Pauwi Na Sa Langit
Hindi Ka Mapipilit Ni Satanas Na Magkasala, Abril 7
Lumayas ka Satanas! Sapagkat nasusulat, “Iyong sasambahin ang Panginoon mong Diyos.” Mateo 4:10. PnL
Hindi tayo kayang pilitin ni Satanas na gumawa ng kasamaan. Hindi niya kayang kontrolin ang isipan malibang ito’y isuko sa kanyang pangangasiwa. Kailangang pumayag ang kalooban, kailangang bumitaw kay Cristo ang pananampalataya, bago maisagawa ni Satanas ang kanyang kapangyarihan sa atin. Ngunit ang bawat makasalanang kagustuhang minamahal natin ay nagbibigay sa kanya ng balwarte. Bawat punto kung saan nabibigo tayong tumugon sa pamantayan ng Diyos ay bukas na pintuan kung saan maaari siyang pumasok upang tuksuhin at wasakin tayo. Bawat kabiguan o pagkatalo sa bahagi natin ay pagkakataon sa kanya na ipahiya si Cristo. PnL
Nang sipiin ni Satanas ang pangakong, “Siya’y mag-uutos sa Kanyang mga anghel tungkol sa Iyo,” inalis niya ang mga salitang, “aalalayan Ka ng kanilang mga kamay,” iyon ay, sa lahat ng mga daang pinili ng Diyos. Tumanggi si Jesus na lumabas sa landas ng pagsunod. Habang nagpapakita ng sakdal na pagtitiwala sa Kanyang Ama, hindi Niya ilalagay ang Kanyang sarili, na hindi inuutusan, sa isang kalagayang mapipilitan ang Kanyang Ama na iligtas Siya mula sa kamatayan. Hindi Niya pipilitin ang Probidensya na dumating upang iligtas Siya, at sa gayo’y mabibigong magbigay ng halimbawa ng pagtitiwala at pagpapasakop. PnL
Ipinahayag ni Jesus kay Satanas, “Nasusulat muli, Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.” Ang mga salitang ito’y sinabi ni Moises sa mga anak ni Israel nang sila’y mauhaw sa disyerto, at humingi kay Moises na bigyan sila ng tubig, na nagsasabing, “Ang Diyos ba ay kasama natin, o hindi?” (Exodo 17:7.) Kahangahangang gumawa ang Diyos para sa kanila; ngunit nagduda sila sa Kanya sa panahon ng kaguluhan, at humingi ng katibayan kung Siya ba ay nasa kanila. Sa kanilang kakulangan ng paniniwala, sinubok nilang ilagay Siya sa pagsubok. At pinipilit ni Satanas si Cristo na gawin din ito. Nagpatunay na ang Diyos na si Cristo ay Kanyang Anak; at ngayon ang humiling ng katibayan na Siya’y anak ng Diyos ay maglalagay sa salita ng Diyos sa pagsubok—ang tuksuhin Siya. At totoo rin ito sa paghiling ng mga bagay na hindi naman ipinangako ng Diyos. Magpapakita ito ng kakulangan ng pagtitiwala, at totoong nakasusubok, o nakatutukso, sa Kanya. Hindi dapat tayo humiling sa Diyos para patunayan kung Kanyang tutuparin ang Kanyang salita, kundi dahil tutuparin Niya ito; hindi upang patunayan na iniibig Niya tayo, kundi dahil iniibig Niya tayo. “At kung walang pananampalataya ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos, at sinumang lumalapit sa kanya ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang tagapagbigay-gantimpala sa mga masigasig na humahanap sa kanya.” (Hebreo 11:6.) PnL
Ngunit ang pananampalataya sa anumang kaisipan ay hindi kaayon ng pagsasapantaha. Yaon lamang may tunay na pananampalataya ay ligtas laban sa pagsasapantaha. Sapagkat ang pagsasapantaha ay ang panghuhuwad ni Satanas sa pananampalataya.— The Desire Of Ages, pp. 125, 126. PnL