Pauwi Na Sa Langit

9/364

Pagdinig Sa Tinig Ni Jesus, Enero 8

Sinasaliksik ninyo ang mga kasulatan sapagkat iniisip ninyo na sa mga iyon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at iyon ang nagpapatotoo sa akin. Juan 5:39. PnL

Nagsasalita sa atin ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang salita. Dito mayroon tayong maliwanag na paghahayag ng Kanyang karakter, ng Kanyang pakikitungo sa atin, at ng dakilang gawain ng pagtubos. Nakabukas sa atin dito ang kasaysayan ng mga patriyarka at mga propeta at iba pang banal na mananampalataya noong unang panahon. Sila’y “may likas na gaya rin nang sa atin.” (Santiago 5:17.) Nakikita natin kung paano sila nakipagpunyagi dahil sa pagkasira ng loob na gaya rin natin, kung paano sila nahulog sa mga tukso gaya nang nagawa natin, ngunit muling lumakas ang loob at nagtagumpay dahil sa biyaya ng Diyos; at, sa pagtingin [sa kanila], napasisigla tayo sa ating pagsisikap para sa katuwiran. Sa ating pagbabasa ng mga mahalagang karanasang ipinagkaloob sa kanila, ng liwanag at pag-ibig at pagpapalang napasakanila upang tamasahin, at ng gawaing ginawa nila sa pamamagitan ng biyayang ibinigay sa kanila, ang espiritung nagbigay kasiglahan sa kanila ay magsisindi ng isang apoy ng banal na paggaya sa ating mga puso at isang pagnanais na maging gaya nila sa karakter—gaya nila upang makalakad kasama ang Diyos. PnL

Sinabi ni Jesus tungkol sa Lumang Tipan na mga Kasulatan—at gaano rin kayang higit itong totoo sa Bago—“Iyon ang nagpapatotoo tungkol sa Akin,” ang Manunubos, sa Kanya na sentro ng ating pag-asa at walang hanggang buhay. (Juan 5:39.) Oo, nagsasabi ang buong Biblia tungkol kay Cristo. Mula sa unang tala ng paglalang— sapagkat “kung wala Siya ay hindi nagawa ang anumang bagay na ginawa”—hanggang sa huling pangako, “Narito, Ako’y malapit nang dumating,” tayo’y nagbabasa ng Kanyang mga ginawa at nakikinig sa Kanyang tinig (Juan 1:3; Apocalipsis 22:12.) Kung gusto mong makikilala ang Tagapagligtas, pag-aralan ang Banal na Kasulatan. PnL

Punuin ang buong puso ng mga salita ng Diyos. Ang mga ito’y buhay na tubig, na pumapawi sa nag-aapoy na pagkauhaw. Ang mga ito ang buhay na tinapay mula sa langit. Sinabi ni Jesus, “Malibang inyong kainin ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang Kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili.” At ipinaliwanag Niya ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng pagsasabing, “Ang mga salitang sinabi Ko sa inyo ay espiritu at buhay.” (Juan 6:53, 63.) Ang ating mga katawan ay nabuo mula sa mga pagkaing ating kinakain at iniinom, at tulad sa natural na kapamuhayan, gayundin sa espirituwal na kapamuhayan, kung ano ang ating pinagbubulay-bulayan, ito ang magbibigay ng kondisyon at lakas ng ating espirituwal na kalikasan. PnL

Ang tema ng pagtubos ay isa sa ninanais tingnan ng mga anghel; ito ang magiging siyensya at awit ng mga tinubos sa buong walang katapusang panahon sa walang hanggan. Hindi baga ito karapat-dapat na matamang pag-isipan at pag-aaralan ngayon?—Steps to Christ, pp. 87-89. PnL