Pauwi Na Sa Langit

96/364

Sa Ligtas Na Mga Landas, Abril 6

Hindi makakagawa ang Anak sa kanyang sarili kundi ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Juan 5:19. PnL

Itinuturo ng mga salita ni Cristo na dapat nating ituring ang ating mga sarili bilang di-mahihiwalay na tali sa ating Ama sa langit. Anuman ang ating kalagayan, nakadepende tayo sa Diyos, na siyang humahawak ng lahat ng kahihinatnan sa Kanyang mga kamay. Nagtalaga Siya sa atin ng gawain, at nagkaloob sa atin ng mga kakayahan at pamamaraan para sa gawaing iyon. Hangga’t nagpapasakop tayo sa kalooban ng Diyos, at nagtitiwala sa Kanyang lakas at katalinuhan, tayo’y papatnubayan sa ligtas na landas, upang tuparin ang itinakdang bahagi sa atin sa Kanyang dakilang plano. Ngunit yaong umaasa sa sarili nilang katalinuhan at kapangyarihan ay naghihiwalay ng kanilang mga sarili sa Diyos. Sa halip na gumawang kaisa ni Cristo, tinutupad nila ang layunin ng kaaway ng Diyos at ng sangkatauhan. PnL

Nagpatuloy ang Tagapagligtas: “Sapagkat ang lahat ng mga bagay na Kanyang [ng Ama] ginawa ay siya ring ginagawa ng Anak. . . . Sapagkat kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at sila’y binubuhay, gayundin naman binubuhay ng anak ang sinuman nais Niya.” Naniniwala ang mga Saduceo na walang muling pagkabuhay ng katawan; ngunit sinabi ni Jesus na ang pagbuhay sa patay ay isa sa mga dakilang gawain ng Kanyang Ama, at Siya rin ay may kapangyarihan ding gawin ito. “Dumarating ang oras at ngayon na nga, na maririnig ng patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang makarinig ay mabubuhay.” Naniniwala ang mga Fariseo sa pagkabuhay mula sa mga patay. Ipinahayag ni Cristo na kahit na ngayon ang kapangyarihang nagbibigay ng buhay sa patay ay kasama nila, at makikita nila ang paghahayag na ito. Ang kaparehong kapangyarihang magbigay ng buhay ay siya ring nagbibigay ng buhay sa kaluluwa “na patay sa mga kamalian at kasalanan.” (Efeso 2:1.) Ang espiritu ng buhay na nakay Cristo, “ang kapangyarihan ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli,” ang “nagpalaya sa atin mula sa kautusan ng kasalanan at kamatayan.” (Filipos 3:10; Roma 8:2.) Nawasak ang pamumuno ng kasamaan, at sa pamamagitan ng pananampalataya ang kaluluwa ay nalayo mula sa kasalanan. Lahat nang magbubukas ng kanilang mga puso sa Espiritu ng Diyos ay nagiging kabahagi ng dakilang kapangyarihang mag-aalis ng kanilang mga katawan mula sa libingan. . . . PnL

Itinalaga ng mga saserdote at mga namumuno ang kanilang mga sarili bilang mga hukom para hatulan ang mga gawain ni Cristo, ngunit ipinahayag Niya ang Kanyang sarili bilang kanilang hukom, at hukom ng buong lupa. Ang mundo ay ipinagkatiwala kay Cristo, at sa pamamagitan Niya’y dumating ang bawat pagpapala mula sa Diyos tungo sa nagkasalang lahi. Siya na ang Manunubos bago pa at pagkatapos ng Kanyang pagkakatawang tao. Hangga’t mayroong kasalanan, ay mayroong Tagapagligtas. Siya ang nagbigay ng liwanag at buhay sa lahat, at ayon sa sukat ng liwanag na ibinigay, hahatulan ang bawat isa. At Siyang nagbigay ng liwanag, sumunod sa kaluluwa na may magiliw na pakiusap, na nagsisikap na hikayatin ito mula sa kasalanan tungo sa kabanalan, ay Siyang parehong tagapamagitan at hukom.— The Desire Of Ages, pp. 209, 210. PnL