Pauwi Na Sa Langit

92/364

Ang Kababaan Ay Nagbibigay Ng Tagumpay, Abril 2

Mapapalad ang mga mapagpakumbaba, sapagkat mamanahin nila ang lupa.Mateo 5:5. PnL

Mapapalad ang mga mapagpakumbaba.” Ang mga kahirapang kailangan nating pagdaanan ay maaaring lubhang mabawasan sa pamamagitan ng kababaang iyon na nagtatago ng sarili nito kay Cristo. Kung taglay natin ang kapakumbabaan ng ating Panginoon, tayo’y tataas sa ibabaw ng mga pasaring, pagtataboy, at mga nakaiinis, na araw-araw nating nararanasan, at titigil ang mga ito sa pagbigay ng kalungkutan sa ating espiritu. Ang pinakamataas na katibayan ng pagkamaharlika sa isang Cristiano ay ang pagpipigil sa sarili. Ang mga nabibigong panatilihin ang kalmado at nagtitiwalang espiritu dahil sa pagmamalabis at kalupitan ay nagnanakaw sa Diyos ng Kanyang karapatang ipahayag sa kanila ang Kanyang sariling kasakdalan ng karakter. Ang kapakumbabaan ng puso ay lakas na nagbibigay tagumpay sa mga tagasunod ni Cristo; ito ang sagisag ng kanilang koneksyon sa mga bulwagan sa itaas. PnL

“Bagaman ang Panginoon ay mataas, Kanyang pinapahalagahan ang mababa.” (Awit 138:6.) Ang mga naghahayag ng mapagkumbaba at mababang espiritu ni Cristo ay maingat na kinakalinga ng Diyos. Maaaring sila’y kinukutya ng mundo, ngunit napakahalaga nila sa Kanyang paningin. Hindi lang ang pantas, dakila, mapagbigay, ang magtatamo ng pasaporte tungo sa mga bulwagan sa langit; hindi lang mga masipag na manggagawa, na puno ng kasigasigan at walang tigil na paggawa. Hindi; ang aba sa espiritu, na nasasabik sa presensya ng nananatiling si Cristo, ang mapagpakumbaba sa puso, na ang pinakamataas na ambisyon ay gawin ang kalooban ng Diyos—ang mga ito’y magtatamo ng masaganang pagpasok. Sila’y makakasama sa mga naghugas ng kanilang mga damit at pinaputi ito sa dugo ng Kordero. “Kaya’t sila’y nasa harapan ng trono ng Diyos at naglilingkod sa araw at gabi sa kanyang templo; at siyang nakaupo sa trono ay kakanlungan sila.” (Apocalipsis 7:15.) . . . PnL

Makasusumpong ng awa ang maawain, at makikita ang Diyos ng dalisay sa puso. Bawat maruming kaisipan ay dumudungis sa kaluluwa, sumisira sa kaisipang moral, at humihilig sa pagpawi sa mga impresyon ng Banal na Espiritu. Pinadidilim nito ang espirituwal na paningin, upang hindi natin makita ang Diyos. Ang Panginoon ay nakapagpapatawad at nagpapatawad sa nagsisising makasalanan, ngunit bagaman napatawad, nasisira ang kaluluwa. Ang lahat ng karumihan sa pananalita o isipan ay dapat itakwil ng mga nais magkaroon ng malinaw na pang-unawa sa espirituwal na katotohanan. PnL

Ngunit ang sinasaklaw ng mga salita ni Cristo ay higit pa sa kalayaan mula sa sensuwal na karumihan, higit pa sa kalayaan mula sa karumihang seremonyal na napakahigpit na iniiwasan ng mga Judio. Ang pagkamakasarili ay hpimipigil sa atin sa pagtanaw sa Diyos. . . . Tanging ang di-makasariling puso, mapagpakumbaba, at nagtitiwalang espiritu, ang makakikita sa Diyos bilang “puspos ng kahabagan at mapagpala, hindi magagalitin, at sagana sa wagas na pag-ibig at katapangan.” (Exodus 34:6.)—The Desire Of Ages, pp. 301, 302. PnL