Pauwi Na Sa Langit
Abril—Tagumpay kay Cristo
Ang Pinakatema Ng Tagumpay, Abril 1
At dahil dito, gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya na tustusan ang inyong pananampalataya ng kabutihan; ang kabutihan ng kaalaman; ang kaalaman ng pagpipigil. 2 Pedro 1:5, 6. PnL
Ang mga salitang ito’y puno ng turo, pumapansin sa pinakatema ng tagumpay. Inilalahad ni Pablo sa mga mananampalataya ang hagdanan ng paglago ng Cristiano, na ang bawat hakbang nito’y nagpapakita ng paglago sa kaalaman sa Diyos, at sa pag-akyat nito’y wala dapat pagtigil. Pananampalataya, kabutihan, kaalaman, pagpipigil, kabanalan, kabaitang pangkapatid, at pag-ibig ang mga baitang ng hagdanan. Tayo’y naliligtas sa pag-akyat ng mga baitang, tungo pataas sa mithiin ni Cristo para sa atin. Kaya, Siya’y ginawang karunungan sa atin, at katuwiran, at pagiging banal, at katubusan. PnL
Tinawag ng Diyos ang Kanyang bayan tungo sa kaluwalhatian at kabutihan, at ang mga ito’y mahahayag sa buhay ng lahat ng mga totoong nakaugnay sa Kanya. Dahil naging mga kabahagi ng kaloob ng langit, kailangan nilang magpatuloy sa kasakdalan, “na sa kapangyarihan ng Diyos ay iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya.” (1 Pedro 1:5.) Kaluwalhatian ng Diyos na ibigay ang Kanyang kabutihan sa Kanyang mga anak. Nais Niyang makitang nakaaabot ang mga lalaki at babae sa pinakamataas na pamantayan; at kapag nakapanghawak sila sa kapangyarihan ni Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya, kapag nakiusap sila sa Kanyang di-nabibigong mga pangako, at inangkin ito bilang kanila, kung may pagsusumamong hindi tatanggihan ay hinihiling nila ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu, magiging buo sila sa Kanya. PnL
Sa pagtanggap ng pananampalataya sa ebanghelyo, ang sunod na gawain ng mananampalataya ay magdagdag ng birtud sa kanilang karakter, at sa gayo’y linisin ang puso at ihanda ang isipan sa pagtanggap ng kaalaman ng Diyos. Ang kaalamang ito ang pundasyon ng lahat ng tunay na edukasyon at paglilingkod. Ito ang tanging tunay na sanggalang laban sa tukso; at ito lang ang makagagawa sa tao na maging tulad ng Diyos sa karakter. Sa pamamagitan ng kaalaman sa Diyos at sa Kanyang anak na si JesuCristo, ay ibinigay sa mananampalataya “ang lahat ng mga bagay patungkol sa buhay at kabanalan.” Walang mabuting kaloob ang itinago sa sinumang taimtim na nagnanais na magtamo ng katuwiran ng Diyos. . . . PnL
Wala sa atin ang dapat na mabigo sa pag-abot, ayon sa ating nasasaklaw, sa kasakdalan ng Cristianong karakter. Sa pamamagitan ng sakripisyo ni Cristo, ginawang malinaw ang probisyon para sa mananampalataya na tanggapin ang lahat ng mga bagay patungkol sa buhay at kabanalan.— The Acts Of The Apostles, pp. 530, 531. PnL