Pauwi Na Sa Langit

84/364

Ang Kapangyarihan Ng Kalooban, Marso 25

Sapagkat ang Diyos ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanais at sa paggawa, para sa kanyang mabuting kalooban. Filipos 2:13. PnL

Tinatanggap ng Manunubos ng sanlibutan ang mga makasalanan kahit na sino pa sila, kasama na ang lahat ng kanilang mga ninanais, mga kamalian, at mga kahinaan; at hindi lamang Siya maglilinis sa kasalanan at magkakaloob ng katubusan sa pamamagitan ng Kanyang dugo, kundi magbibigay kasiyahan sa mga ninanasa ng puso ng lahat na pumapayag na suotin ang Kanyang pamatok, at batahin ang Kanyang pasan. Layunin Niyang ibahagi ang kapayapaan at kapahingahan sa lahat na lumalapit sa Kanya para sa tinapay ng buhay. Hinihilingan Niya tayong gumawa ng tanging mga tungkulin na maghahatid sa ating mga hakbang tungo sa kataasan ng lubos na kaligayahan na hindi kailanman matatamo ng masuwayin. Ang tunay, at maligayang buhay ng kaluluwa ay ang pagkakaroon ng Cristo na nahubog sa kanya, ang pag-asa ng kaluwalhatian. PnL

Marami ang nagtatanong, “Paano ko maisusuko ang aking sarili sa Diyos?” Ninanais mong ibigay ang iyong sarili sa Kanya, ngunit ikaw ay mahina sa moral na lakas, naging alipin ng pagdududa, at kontrolado ng mga ugali ng makasalanan mong buhay. Ang iyong mga pangako at resolusyon ay gaya ng mga lubid na buhangin. Hindi mo kayang kontrolin ang iyong pag-iisip, mga silakbo ng damdamin, at mga pagnanasa. Ang kaalaman ng iyong mga nasirang pangako at nasirang kasunduan ay nagpapahina sa iyong pagtitiwala sa iyong sariling sinseridad, at naging dahilan upang madama mong hindi ka matatanggap ng Diyos; ngunit hindi ka dapat manghina. Ang kailangan mong maunawaan ay ang tunay na puwersa ng hangarin. Ito ang kapangyarihang nangangasiwa sa ating likas, ang kapangyarihan ng pagdedesisyon, o ng pagpili. Lahat ay nakadepende sa tamang pagkilos ng kalooban. Nasa atin ang paggamit ng kapangyarihang pumili na ibinigay sa atin ng Diyos. Hindi mo mababago ang iyong puso, sa iyong sarili ay hindi mo maibibigay sa Diyos ang mga damdamin nito; ngunit maaari mong piliing maglingkod sa Kanya. Maibibigay mo sa Kanya ang iyong kalooban; kung gayon ay gagawa siya sa iyo sa kalooban at sa pagganap sang-ayon sa Kanyang mabuting kaluguran. Sa ganito madadala ang buo mong kalikasan sa kontrol ng Espiritu ni Cristo; maitutuon ang iyong mga damdamin sa Kanya, at ang iyong mga isipan ay maiaayon sa Kanya. PnL

Ang mga pagnanais para sa kabutihan at kabanalan ay matuwid hanggang sa maabot ito; ngunit kung titigil ka, walang mapapakinabangan dito. Marami ang mawawaglit na umaasa at nagnanais na maging mga Cristiano. Hindi sila dumarating sa pagpapasakop sa kalooban ng Diyos. Hindi na nila ngayon pinipiling maging mga Cristiano. PnL

Sa tamang paggamit ng kalooban, maisasagawa ang buong pagbabago sa buhay. Sa pagsuko ng iyong kalooban kay Cristo, ikinakampi mo ang iyong sarili sa kapangyarihang mataas sa lahat ng mga pinuno at kapangyarihan. Magkakaroon ka ng lakas mula sa itaas upang hawakan kang matatag, at kaya sa patuloy na pagpapasakop sa Diyos, makapamumuhay ka ng bagong buhay, maging ng buhay ng pananampalataya.— Steps To Christ, pp. 46-48. PnL