Pauwi Na Sa Langit
Humingi Para Sa Pagsisisi, Marso 23
Ang kabutihan ng Diyos ang umaakay sa iyo sa pagsisisi. Roma 2:4. PnL
Ang banal na kaisipang gumagawa sa mga bagay ng kalikasan ang siya ring nagsasalita sa mga puso ng lalaki at babae sa paglikha ng di-maisalarawang pananabik para sa isang bagay na wala sila. Hindi kayang tugunan ng mga bagay ng sanlibutan ang kanilang mga inaasam. Nagsusumamo sa kanila ang Espiritu ng Diyos na hangarin ang mga bagay na tanging makapagbibigay ng kapayapaan at kapahingahan—ang biyaya ni Cristo, ang kagalakan ng kabanalan. Sa pamamagitan ng mga impluwensyang nakikita at di-nakikita, patuloy na gumagawa ang Tagapagligtas upang akitin ang isipan ng mga tao mula sa di-nakalulugod na kasiyahan ng kasalanan tungo sa walang hanggang pagpapala na maaaring mapasakanila sa Kanya. Sa lahat ng mga kaluluwang ito, na walang kabuluhang naghahangad na makainom mula sa basag na mga sisidlan ng sanlibutang ito, sinasalita ang mensahe ng Diyos, “At ang nauuhaw ay pumarito, ang may ibig ay kumuha ng tubig ng buhay na walang bayad.” (Apocalipsis 22:17.) PnL
Sa mga may pusong naghahangad ng isang bagay na mas mabuti kaysa maibibigay ng sanlibutang ito, kilalanin ninyo ang paghahangad na ito bilang tinig ng Diyos sa inyong mga kaluluwa. Hilingan Siyang bigyan kayo ng pagsisisi, upang maihayag si Cristo sa inyo sa Kanyang walang hanggang pag-ibig, sa Kanyang sakdal na kadalisayan. Sa buhay ng Tagapagligtas, ang mga prinsipyo ng kautusan ng Diyos—ang pag-ibig sa Diyos at sa iba—ay sakdal na inihalimbawa. Ang kabutihan at di-makasariling pagmamahal ang naging buhay ng Kanyang kaluluwa. Sa ating pagtingin sa Kanya, samantalang sumisinag ang liwanag ng Tagapagligtas sa atin, ay makikita natin ang pagkamakasalanan ng ating mga puso. PnL
Maaari mabola natin ang ating mga sarili, gaya ni Nicodemo, na ang buhay natin ay naging matuwid, na tama ang ating moral na karakter, at iniisip natin na hindi na natin kailangang magpakumbaba sa harap ng Diyos, gaya ng karaniwang makasalanan, ngunit kapag sumisinag na ang liwanag mula kay Cristo, makikita natin kung gaano tayo karumi; mababatid natin ang pagiging makasarili ng motibo, ang pagkapoot sa Diyos, na dumungis sa bawat kilos ng buhay. At malalaman natin kung gayon na ang ating sariling katuwiran ay tunay ngang kasing rumi ng basahan, at tanging ang dugo lamang ni Cristo ang makapaglilinis sa atin mula sa karumihan ng kasalanan, at makapagbabago sa ating mga puso na ayon sa Kanyang sariling larawan. PnL
Ang isang silahis ng kaluwalhatian ng Diyos, isang kislap ng kadalisayan ni Cristo, na tumatagos sa kaluluwa, ay ginagawang nakapamimighating natatangi ang bawat batik ng karumihan. . . . PnL
Ang kaluluwang kinilos nang ganito ay mapopoot sa pagiging makasarili nito, kasusuklaman ang pagmamahal sa sarili, at hahanapin, sa pamamagitan ng katuwiran ni Cristo, ang kadalisayan ng puso na kaayon sa kautusan ng Diyos at sa karakter ni Cristo.— Steps To Christ, pp. 28, 29. PnL