Pauwi Na Sa Langit
Ang Katuwiran Ay. . . !, Marso 16
Mapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran. Mateo 5:6. PnL
Ang katuwiran ay kabanalan, kagaya ng larawan ng Diyos, at “Ang Diyos ay pagibig.” (1 Juan 4:16.) Ito ay pakikiayon sa utos ng Diyos, sapagkat “lahat ng utos mo ay amtuwid” (Awit 119:172), at ang “pag-ibig ang siyang katuparan ng kautusan.” (Roma 13:10.) Ang katuwiran ay pag-ibig, at ang pag-ibig ay ang liwanag at ang buhay ng Diyos. Ang katuwiran ng Diyos ay nakay Cristo. Matatanggap natin ang katuwiran sa pamamagitan ng pagtanggap sa Kanya. PnL
Hindi sa pamamagitan ng masasakit na pagpupunyagi o nakapapagod na paggawa, hindi sa pamamagitan ng kaloob o sakripisyo, natatanggap ang katuwiran; kundi ito ay libreng ibinibigay sa lahat ng kaluluwang nagugutom at nauuhaw na tanggapin ito. “O lahat ng nauuhaw, pumarito kayo sa tubig, at siyang walang salapi, pumarito kayo, kayo’y bumili at kumain. . . . nang walang salapi at walang halaga.” “At ang pagiging matuwid ay mula sa akin, sabi ng Panginoon,” at “ito ang pangalan na itatawag sa kanya: Ang Panginoon ng ating katuwiran,” (Isaias 55:1; 54:17; Jeremias 23:6.) PnL
Walang ahensya ng tao ang makapagbibigay ng bagay na makatutugon sa gutom at uhaw ng kaluluwa. Ngunit sinasabi ni Jesus, “Makinig ka! Ako’y nakatayo sa may pintuan at tumutuktok; kung dinggin ng sinuman ang Aking tinig at buksan ang pinto; Ako’y papasok sa kanya, at kakaing kasalo niya, at siya’y kasalo Ko.” (Apocalipsis 3:20.). . . . PnL
Kung paanong kailangan natin ang pagkain para panatilihin ang ating pisikal na lakas, gayundin ang pangangailangan natin kay Cristo, ang Tinapay na mula sa langit, para sustenahan ang espirituwal na buhay at magbigay ng lakas na gumawa ng gawain ng Diyos. Kung paanong patuloy na tumatanggap ang katawan ng pagkain para panatilihin ang buhay at lakas, gayundin dapat na patuloy na nakikipagniig ang kaluluwa kay Cristo, na nagpapasakop sa Kanya at lubos na dumidepende sa Kanya. . . . PnL
Habang kinikilala natin ang kasakdalan ng karakter ng Tagapagligtas, nanaisin nating maging lubos na magbagong-buhay at mabago ayon sa larawan ng Kanyang kadalisayan. Habang mas nakikilala natin ang Diyos, mas nagiging mataas ang ating pamantayan ng karakter at higit na magnanasa tayong ibahagi ang Kanyang larawan. Ang isang makalangit na elemento ay naihahalo sa tao kapag ang kaluluwa ay lumalapit sa Diyos at maaaring masabi ng nagnanasang puso na, “Sa Diyos lamang naghihintay nang tahimik ang aking kaluluwa, sapagkat ang aking pag-asa ay mula sa Kanya.” (Awit 62:5.) PnL
Kung nakadarama ka ng pagnanais sa iyong kaluluwa, kung nagugutom ka at nauuhaw sa katuwiran, ito ay katunayang gumawa na si Cristo sa iyong puso.— Thoughts From The Mount Of Blessing, pp. 18, 19. PnL