Pauwi Na Sa Langit

74/364

Ang Kabanalan Ay. . . ! Marso 15

Mga minamahal, yamang taglay natin ang mga pangakong ito, linisin natin ang ating mga sarili mula sa bawat karumihan ng laman at espiritu, na ginagawang sakdal ang kabanalan sa pagkatakot sa Diyos. 2 Corinto 7:1. PnL

Dahil ito ang paraan na kung saan tayo makatatanggap ng kapangyarihan, bakit hindi tayo magutom at mauhaw sa kaloob ng Espiritu? Bakit hindi tayo naguusap tungkol dito, nananalangin para rito, at nangangaral tungkol dito? Mas higit na handa ang Panginoon na magkaloob ng Banal na Espiritu sa mga naglilingkod sa Kanya kaysa mga magulang na nagbibigay ng mabubuting regalo sa kanilang mga anak. Sa araw-araw na pagbabautismo ng Espiritu, bawat manggagawa ay dapat mag-alay ng petisyon sa Diyos. Ang mga pulutong ng mga manggagawang Cristiano ay dapat na magtipon upang humiling ng espesyal na tulong, para sa makalangit na karunungan upang malaman nila kung paano matalinong magplano at magsagawa. Lalong dapat silang manalangin na bautismuhan ng Diyos ang Kanyang piniling mga kinatawan sa bukirin ng misyon ng isang masaganang takal ng Kanyang Espiritu. Ang presensya ng Espiritu sa mga manggagawa ni Cristo ay magbibigay sa pangangaral ng katotohanan ng isang kapangyarihang hindi maibibigay ng lahat ng karangalan o kaluwalhatian ng mundo. PnL

Nananatili ang Banal na Espiritu sa mga natatalagang manggagawa saan man sila naroroon. Ang mga salitang sinalita sa mga alagad ay sinalita rin sa atin. Ang mga Mang-aaliw ay para sa atin at sa kanila. Nagkakaloob ng kapangyarihan ang Espiritu para magpatuloy sa pagsisikap, at pakikipagbuno para sa mga kaluluwa sa panahon ng kagipitan, sa kalagitnaan ng pagkasuklam ng mundo, at dahil sa pagkakilala ng kanilang sariling mga kabiguan at pagkakamali. Sa panahon ng kalumbayan at paghihirap, kapag tila madilim at nakagugulat ang hinaharap, at nadarama nating wala tayong kakayahan at tayo ay nag-iisa—ito ang mga panahon kung kailan, bilang sagot sa panalangin ng pananampalataya, nagbibigay ng kaaliwan sa puso ang Banal na Espiritu. PnL

Hindi ito isang dipinitibong ebidensya na mga Cristiano ang mga tao dahil nagpapakita sila ng espirituwal na kagalakan sa ilalim ng di-karaniwang pangyayari. Ang kabanalan ay hindi masidhing kaligayahan: ito’y ang lubos na pagpapasakop sa kalooban ng Diyos; ito’y ang pamumuhay sa bawat salitang lumalabas mula sa bibig ng Diyos; ito’y pagsasagawa ng kalooban ng ating Ama na nasa langit; ito’y ang pagtitiwala sa Diyos sa panahon ng pagsubok, sa kadiliman at gayundin sa liwanag; ito’y paglakad sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa pamamagitan ng paningin; ito’y pag-asa sa Diyos na walang dudang pagtitiwala, at pananatili sa Kanyang pag-ibig. PnL

Hindi mahalaga sa atin na matukoy lamang kung ano ang Banal na Espiritu. Sinasabi sa atin ni Cristo na ang Espiritu ay Mang-aaliw, “ang Espiritu ng katotohanan, na mula sa Ama.” Ito ay malinaw na ipinahayag tungkol sa Banal na Espiritu na, sa Kanyang gawaing pagpatnubay sa atin sa lahat ng katotohanan, “Hindi Siya magsasalita ng anumang bagay na mula sa Kanyang sarili” (Juan 15:26; 16:13.)— The Acts Of The Apostles , pp. 50, 51. PnL