Pauwi Na Sa Langit

73/364

Paglilinis Ng Templo, Marso 14

Hindi ba ninyo nalalaman na kayo ay templo ng Diyos? 1 Corinto 3:16. PnL

Sa paglilinis sa templo, ipinapahayag ni Jesus ang Kanyang misyon bilang Mesiyas, at nagsisimula sa Kanyang gawain. Ang templong iyon, na itinayo bilang tahanan ng Pakikisama ng Diyos, ay idinisenyo para maging isang aralin sa Israel at sa sanlibutan. Mula pa sa walang hanggan, layunin ng Diyos na ang bawat nilalang, mula sa maningning at banal na serafin hanggang sa bawat lalaki at babae, ay maging isang templo para sa pananahan ng Manlilikha. Dahil sa napadilim at narumihan ng kasamaan, hindi na nahahayag ng puso ng tao ang kaluwalhatian ng Diyos. Ngunit sa pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos, natupad ang layunin ng langit. Nananahan ang Diyos sa sangkatauhan, at sa pamamagitan ng nagliligtas na biyaya ay naging templo Niya muli ang puso ng tao. Pinanukala ng Diyos na ang templo sa Jerusalem ay dapat maging isang patuloy na saksi sa matayog na kapalarang bukas para sa bawat kaluluwa. Ngunit hindi naunawaan ng mga Judio ang kahalagahan ng istruktura na sobra nilang pinagmamalaki. Hindi nila pinasakop ang kanilang mga sarili bilang mga templo ng Banal na Espiritu. Ang mga bulwagan ng templo sa Jerusalem, na puno ng di-banal na kaguluhan, ay tunay na kumatawan ng lubos sa puso, na narumihan ng makalamang damdamin at mga makasalanang kaisipan. Sa paglilinis ng templo mula sa mga namimili at bumibili ng mundo, inanunsyo ni Jesus ang Kanyang misyon na linisin ang puso mula sa karumihan ng kasalanan—mula sa mga makamundong pagnanasa, makasariling kahalayan, at masasamang kaugalian, na sumisira sa kaluluwa. “Ang Panginoon na inyong hinahanap ay biglang darating sa Kanyang templo! Ang sugo ng tipan na inyong kinalulugdan ay narito, dumarating,’ sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ‘Ngunit sino ang makakatagal sa araw ng Kanyang pagdating, at sinong makakatayo kapag Siya’y nagpakita? Sapagkat Siya’y tulad sa apoy ng tagapagdalisay at tulad sa sabon ng mga tagapagpaputi. Siya’y uupong gaya ng nagpapakintab at nagpapadalisay na pilak, at kanyang dadalisayin ang mga anak ni Levi, at kanyang lilinising tulad ng ginto at pilak.” (Malakias 3:1-3.) . . . PnL

Hindi natin kaya sa ating mga sarili na palayasin ang kampo ng diablo na sumakop sa puso. Tanging si Cristo lamang ang makapaglilinis ng kaluluwang templo. Ngunit hindi Siya magpupumilit na pumasok. Hindi Siya papasok sa puso tulad sa templo noon; ngunit Kanyang sinabi, “Makinig ka! Ako’y nakatayo sa may pintuan at tumutuktok; kung dinggin ng sinuman ang Aking tinig at buksan ang pinto; Ako’y papasok sa kanya, at kakaing kasalo niya, at siya’y kasalo Ko.” (Apocalipsis 3:20.) . . . Ang Kanyang presensya ay maglilinis at magpapabanal sa kaluluwa, upang ito’y maging isang banal na templo para sa Panginoon, at “isang tahanan ng Diyos sa Espiritu.” (Efeso 2:21, 22.)— The Desire Of Ages, pp. 161, 162. PnL