Pauwi Na Sa Langit
Kagalingang Espirituwal, Marso 13
Kayo noo'y mga patay sa iyong mga pagsalangsang at mga kasalanan. Efeso 2:1. PnL
Ngunit nakita ng Tagapagligtas ang isang kalagayan ng sukdulang kasamaan. Ito’y tungkol sa isang lalaking naging walang kalaban-labang lumpo sa loob ng 38 taon. Ang napakalaking bahagi ng kanyang sakit ay resulta ng kanyang sariling kasalanan, at itinuturing bilang isang hatol mula sa Diyos. Mag-isa at walang kaibigan, sa pagkadamang pinagsarahan na siya ng awa ng Diyos, dumaan ang naghihirap na ito ng ilang taon ng kahapisan. . . . PnL
Hindi hinilingan ni Jesus ang naghihirap na ito na magkaroon ng pananampalataya sa Kanya. Sinabi lamang Niyang, “Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” (Juan 5:8.) Ngunit nanghawakan ang pananampalataya ng lalaki sa salitang iyon. Bawat ugat at kalamnan ay nangilig na may bagong buhay, at ang isang malusog na pagkilos ang pumalit sa kanyang mga lumpong binti. Walang pagdududang inilagay niya ang kanyang kalooban upang sundin ang utos ni Cristo, at ang lahat ng kanyang kalamnan ay tumugon sa kanyang kagustuhan. At sa kanyang pagtayo, nakita niya ang kanyang sarili na isa nang maliksing tao. PnL
Hindi siya binigyan ni Jesus ng katiyakan ng tulong ng Diyos. Maaaring tumigil ang taong ito sa pagdududa, at mawalan ng nag-iisa niyang pagkakataong mapagaling. Ngunit naniwala siya sa salita ni Cristo, at sa pagkilos dito ay natanggap niya ang kalakasan. PnL
Sa pamamagitan ng gayunding pananampalataya, maaari tayong makatanggap ng espirituwal na kagamutan. Dahil sa kasalanan, tayo ay napahiwalay mula sa buhay ng Diyos. Naging lumpo ang ating mga kaluluwa. Sa ating mga sarili, wala na tayong kakayahang mamuhay ng isang banal na buhay na gaya sa isang lalaking lumpo na wala nang kakayahang lumakad. Marami ang nakapagtatanto ng kanilang kawalan ng kakayahan, at umaasam ng espirituwal na buhay na magdadala sa kanilang pagkakaayon sa Diyos; sila ay walang-saysay na nagsisikap upang taglayin ito. Sumisigaw sila sa kawalan ng pag-asa na, “Kahabag-habag na tao ako! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito ng kamatayan?” (Roma 7:24.) Hayaang tumingin sa itaas ang mga nawalan ng pag-asa at nakikipagpunyagi. Dumudukwang ang Diyos sa mga binili ng Kanyang dugo, na nagsasabing may di-maipaliwanag na kaamuan at awa na, “Ibig mo bang gumaling?” (Juan 5:6.) Hinihilingan ka Niyang tumayong may kalusugan at kapayapaan. Huwag nang hintayin pang maramdaman na ikaw ay pinagaling na. Manalig sa Kanyang salita, at ito ay matutupad. Ilagak ang iyong kalooban sa panig ni Cristo. Gustuhing paglingkuran Siya, at sa pagsasagawa ng Kanyang salita, makatatanggap ka ng lakas. Anuman ang maging masamang gawain, ang punong silakbo na nagbibigkis sa kaluluwa at katawan sa pamamagitan ng matagal na pagpapakasasa, ay kaya at ninanais ni Cristo na palayain. Magbabahagi Siya ng buhay sa kaluluwang “patay sa kasalanan” (Efeso 2:1.) Palalayain Niya ang bilanggong hinawakan ng kahinaan at kabiguan at ng mga tanikala ng kasalanan.— The Desire Of Ages, pp. 202, 203. PnL