Pauwi Na Sa Langit
Ang Mapagmatuwid Sa Sarili, Marso 9
Walang matuwid, wala, wala kahit isa. Roma 3:10. PnL
Ang pag-aangkin na walang kasalanan, sa sarili nito, ay nagpapatunay na ang taong gumagawa ng pag-angking ito ay malayo sa pagiging banal. Dahil walang tunay na pagkaunawa ang mga tao sa walang hanggang kadalisayan at kabanalan ng Diyos o sa anong dapat maging sila na mga magiging kaayon sa Kanyang karakter; sapagkat wala silang tunay na hinagap ng kadalisayan at matayog na kagandahan ni Jesus, at ang panganib at kasamaan ng kasalanan, na maaaring ituring ng mga tao ang kanilang mga sarili na banal. Kapag mas malaki ang agwat nila kay Cristo, mas kulang ang kanilang magiging pagkaintindi sa banal na karakter at sa mga alituntunin, mas nagiging matuwid sila sa kanilang sariling paningin. PnL
Ang pagpapabanal na isinasaad sa Kasulatan ay sumasaklaw sa buong pagkatao— sa espiritu, kaluluwa, at katawan. Nanalangin si Pablo para sa mga taga-Tesalonica na ang kanilang “buong espiritu, kaluluwa, at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo” (1 Tesalonica 5:23.) Muli isinulat niya sa mga mananampalataya: “Kaya nga, mga kapatid, isinasamo ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na inyong ialay ang inyong mga katawan na isang handog na buhay, banal, na kasiya-siya sa Diyos, na siya ninyong makatuwirang paglilingkod.” (Roma 12:1.) Noong panahon ng sinaunang Israel, maingat na sinusuri ang bawat handog na dinadala bilang handog sa Diyos. Kung may anumang depekto ang makita sa hayop na dinala, ito ay tinatanggihan; sapagkat iniutos ng Diyos na ang handog ay dapat na “walang kasiraan.” Kaya tinatawagan ang mga Cristiano na iharap ang kanilang mga katawan, “na isang handog na buhay, banal, na kasiya-siya sa Diyos.” Para magawa ito, kailangang ingatan ang lahat ng kanilang mga lakas ayon sa pinakamabuting kondisyon nito. Anumang gawaing nagpapahina ng pisikal o mental na lakas ay nagpapaging di-karapat-dapat para sa paglilingkod sa Manlalalang. At malulugod ba ang Diyos sa anumang mas mababa kaysa pinakamabuti nating maihahandog? Sinabi ni Cristo: “At iyong mamahalin ang Panginoon mong Diyos ng iyong buong puso.” Ang mga umiibig sa Diyos ng buong puso ay magnanais na magbigay sa Kanya ng pinakamabuting paglilingkod sa kanilang buhay, at patuloy nilang sisikaping magdala ng bawat lakas ng kanilang pagkatao na kaayon sa mga batas na magpapalago ng kanilang kakayahang gawin ang Kanyang kalooban. Hindi nila, sa pamamagitan ng pagpapakasasa ng gana sa pagkain o damdamin, sisirain o dudumihan ang handog na kanilang ihaharap sa kanilang Amang nasa langit. . . . PnL
Ang bawat makasalanang pagpapakasasa ay madalas na nagpapamanhid sa mga bahagi at pumapatay sa mental at espirituwal na mga kabatiran, at ang salita o ang Espiritu ng Diyos ay makagagawa nang mahina lamang na impresyon sa puso.— The Great Controversy, pp. 473, 474. PnL