Pauwi Na Sa Langit
Marso—Pagsuko at Pagtanggap
Kung Ano Tayo, Marso 1
Lumapit kayo sa Akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan, at kayo'y bibigyan Ko ng kapahingahan. Mateo 11:28. PnL
Tila nakadarama ang ilan na sila’y nasa probasyon, at kailangan pang patunayan sa Panginoon na sila’y nagbago na, bago nila maangkin ang Kanyang pagpapala. Ngunit kahit na ngayon ay maaari na nilang angkinin ang pagpapala ng Diyos. Kailangan nilang magkaroon ng Kanyang biyaya, ng Espiritu ni Cristo, para tulungan sila sa kanilang mga kahinaan, dahil kung hindi ay hindi nila matatanggihan ang kasamaan. Gusto ni Jesus na lumapit tayo sa Kanya maging sinuman tayo, makasalanan, walang kakayahan, at umaasa. Maaari tayong lumapit kasama ang lahat ng ating kahinaan, ating kahangalan, ating pagkamakasalanan, at dumapa sa Kanyang mga paa na may pagsisisi. Kaluwalhatian Niyang yakapin tayo ng mga bisig ng Kanyang pag-ibig at bigkisin ang ating mga sugat, at linisin tayo sa lahat ng ating karumihan. PnL
Dito nabibigo ang libu-libo; hindi sila naniniwalang pinatatawad sila ni Jesus ng personal at indibidwal. Hindi nila pinaniniwalaan ang Diyos sa Kanyang salita. Ito’y pribilehiyo ng lahat ng sumusunod sa mga kondisyon upang malaman nila sa kanilang mga sarili na libreng ipinagkakaloob ang pagpapatawad sa bawat kasalanan. Alisin ang pagdududa na ang mga pangako ng Diyos ay hindi para sa iyo. Ang mga ito’y para sa bawat nagsisising sumasalangsang. Ang lakas at biyaya ay ipinagkakaloob sa pamamagitan ni Cristo na dadalhin ng mga naglilingkod na anghel sa bawat naniniwalang kaluluwa. Walang sinuman ang lubhang makasalanan na hindi makasusumpong ng lakas, kadalisayan, at katuwiran kay Jesus, na namatay para sa kanila. Naghihintay Siyang hubarin sa kanila ang mga kasuotang nadungisan at narumihan ng kasalanan, at isuot sa kanila ang mga puting damit ng katuwiran. Inaanyayahan Niya silang mabuhay at hindi mamatay. PnL
Hindi tayo pinakikitunguhan ng Diyos na tulad sa kung paano nakikitungo ang mga may hangganang tao sa kapwa nila. Ang Kanyang mga kaisipan ay mga kaisipan ng awa, pag-ibig, at pinakamagiliw na kahabagan. Sinasabi Niyang, “Lisanin ng masama ang kanyang lakad, at ng liko ang kanyang mga pag-iisip; at manumbalik siya sa Panginoon, at Kanyang kaaawaan siya; at sa aming Diyos, sapagkat Siya’y magpapatawad ng sagana.” “Aking pinawi na parang ulap ang mga pagsuway mo, at ang iyong mga kasalanan na gaya ng ambon.” (Isaias 55:7; 44:22.) PnL
“Sapagkat wala Akong kaluguran sa kamatayan ng sinuman, sabi ng Panginoong Diyos. Kaya’t magsipagbalik-loob kayo, at mabuhay.” (Ezekiel 18:32.) Handa si Satanas na nakawin ang mapalad na katiyakan ng Diyos. Gusto niyang kunin ang bawat aandap-andap na sinag ng liwanag mula sa kaluluwa; ngunit huwag mo siyang hayaang gawin ito. Huwag mong pakinggan ang manunukso, kundi sabihing, “Si Jesus ay namatay upang ako ay mabuhay. Mahal Niya ako, at ginusto na hindi ako mapahamak. Ako’y may isang mahabaging Ama sa langit.”— Steps to Christ, pp. 52, 53. PnL