Pauwi Na Sa Langit
Pagmasdan Ang Mga Kahanga-Hangang Bagay, Enero 4
Tumigil ka, at bulayin mo ang kahanga-hangang mga gawa ng Diyos. Job 37:14. PnL
Ang mga taong may kabanalan at talento ay nakakukuha ng mga tanawin ng mga walang hanggang reyalidad, ngunit sila’y madalas na nabibigo sa pag-unawa, sapagkat ang mga bagay na nakikita ay humaharang sa kaluwalhatian ng mga bagay na di-nakikita. Ang mga matagumpay na magsasaliksik ng mga nakatagong kayamanan ay kailangang pumaibabaw sa mas mataas na hangarin kaysa mga bagay ng mundong ito. Ang kanilang mga damdamin at lahat ng kakayahan ay dapat italaga sa pananaliksik. PnL
Sinarahan ng pagsuway ang pintuan para sa isang malawak na dami ng kaalamang maaari sanang matamo mula sa Kasulatan. Ang pagkaunawa ay nangangahulugang pagsunod sa mga utos ng Diyos. Ang Kasulatan ay hindi dapat iangkop upang tugunan ang mga maling palagay at inggit ng tao. Mauunawaan lang ang mga ito ng mga taong mapagpakumbabang naghahangad ng kaalaman sa katotohanan upang masunod nila ito. PnL
Itinatanong mo ba, Ano ang dapat gawin para maligtas? Kailangan mong iwan ang iyong mga hinakang opinyon, ang mga namana at nalinang na mga kaisipan, sa pintuan ng pagsisiyasat. Kung sinasaliksik mo ang mga Kasulatan para ipagtanggol ang sarili mong mga opinyon, hindi ka kailanman sasapit sa katotohanan. Magsaliksik upang matutuhan kung ano ang sinasabi ng Panginoon. Kung dumarating ang pananalig sa pagsasaliksik, kung nakikita mong di-kasang-ayon ang iyong pinakamamahal na opinyon sa katotohanan, huwag bigyan ng maling pakahulugan ang katotohanan para ibagay sa sarili mong paniniwala, kundi tanggapin ang liwanag na ibinigay. Buksan ang puso at isipan upang makita ang mga kahanga-hangang bagay sa salita ng Diyos. PnL
Ang pananampalataya kay Cristo bilang Manunubos ng sanlibutan ay nananawagan ng pagkilala sa naliwanagang kaisipang kontrolado ng pusong nakauunawa at nakapagpapahalaga ng kayamanan ng langit. Di-maihihiwalay pananampalataya ito sa pagsisisi at pagbabago ng karakter. Ang magkaroon ng pananampalataya ay nangangahulugang hanapin at tanggapin ang yaman ng ebanghelyo, kasama ang lahat ng mga obligasyong ipinapataw nito. . . . PnL
Kailangan natin ang liwanag na mula sa Banal na Espiritu upang maunawaan ang mga katotohanan sa salita ng Diyos. Ang mga kaakit-akit na mga bagay mula sa natural na mundo ay di-nakikita hanggang sa ang araw, na nag-aalis ng kadiliman, ay apawan ang mga ito ng liwanag nito. Kaya ang mga yaman ng salita ng Diyos ay di-napapahalagahan hanggang sa maihayag ang mga ito sa pamamagitan ng maningning na mga silahis ng Araw ng Katuwiran. PnL
Ang Banal na Espiritu, na isinugo mula sa langit sa pamamagitan ng kagandahangloob ng walang hanggang pag-ibig, ay tinanggap ang mga bagay ng Diyos at inihayag ang mga ito sa bawat kaluluwang may lubos na pananampalataya kay Cristo. Sa Kanyang kapangyarihan, itinanim sa isipan ang mga mahahalagang katotohanan kung saan nakasalalay ang kaligtasan ng kaluluwa, at lubos na ipinakita ang landas ng buhay upang walang sinuman ang magkamali rito.— Christ’s Object Lessons , pp. 112, 113. PnL