Pauwi Na Sa Langit
Tanging Tuntunin Ng Pananampalataya, Enero 3
Ang nakikinig ng Aking salita at sumampalataya sa Kanya na nagsugo sa Akin ay may buhay na walang hanggan. Juan 5:24. PnL
Ang Biblia ang tanging tuntunin ng pananampalataya at doktrina. . . . Ang mga taong nagtuturo ng pinakabanal na mensaheng ibinigay sa mundo, ay dapat disiplinahin ang kanilang isipan upang maunawaan ang kahalagahan nito. Ang tema ng pagtubos ay dapat na pagtuunan ng pag-aaral, at ang lalim nito kailanman ay di-lubos na matutuklasan. Hindi ka dapat matakot na iyong maubos ang kahangahangang temang ito. Uminom ka nang malalim sa bukal ng kaligtasan. Pumunta ka sa bukal, upang mapuno ka ng pamatid-uhaw, upang si Jesus sa iyo ay maging balon ng tubig, na nagbibigay ng walang hanggang buhay. Tanging ang katotohanan at relihiyon ng Biblia ang makatatayo sa pagsubok ng paghuhukom. Hindi natin dapat baluktutin ang salita ng Diyos para iakma sa ating kaalwanan, at sa kagustuhan ng mundo, kundi para matapat na magsaliksik, “Anong gusto Mong gawin ko?” “Kayo’y hindi sa inyong sarili, sapagkat binili kayo sa isang halaga.” At gaanong halaga nito! Hindi “sa pamamagitan ng mga nasisirang bagay, tulad ng pilak at ginto, . . . kundi sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Cristo.” Nang magkasala ang sangkatauhan, sabi ng Anak ng Diyos, tutubusin Ko sila, Ako ang kanilang garantiya at kahalili. Isinantabi Niya ang Kanyang maharlikang kasuotan, sinuutan ng pagkatao ang Kanyang pagka-Diyos, bumaba mula sa maharlikang trono, upang maabot ang pinakailalim na pagkaaba at tukso ng sangkatauhan, itinaas ang ating mga likas na nagkasala, at ginawang posible sa atin ang maging mga mananagumpay—mga anak ng Diyos, mga tagapagmana ng walang hanggang kaharian. Hahayaan ba nating ilayo tayo ng anumang mga konsiderasyon ng lupa sa daan ng katotohanan? Hindi ba natin susuriin ang bawat doktrina at teorya, at ilalagay ito sa pagsubok ng salita ng Diyos? PnL
Huwag natin hayaang mailayo tayo ng anumang uri ng argumento mula sa lubusang pagsisiyasat ng katotohanan ng Biblia. Hindi dapat tanggapin bilang banal na awtoridad ang mga opinyon at kaugalian ng tao. Inihayag ng Diyos sa Kanyang salita kung ano ang buong katungkulan ng tao, at hindi tayo dapat makilos mula sa dakilang pamantayan ng katuwiran. Isinugo Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang maging halimbawa natin, at tumawag sa atin na makinig at sumunod sa Kanya. Hindi tayo dapat maimpluwensyahang lumayo mula sa katotohanang nakay Jesus, sapagkat ipinipilit ng mga dakila at nagpapahayag na mabuting tao ang kanilang mga ideya na mas mataas kaysa maliwanag na salita ng Diyos. PnL
Ang gawain ni Cristo ay akayin tayo mula sa huwad at palsipikado tungo sa totoo at tunay. “Ang sumusunod sa Akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng liwanag ng buhay.” (Juan 8:12.) — Fundamentals of Christian Education, pp. 126-128. PnL