Pauwi Na Sa Langit
Ang Nagsising Magnanakaw, Pebrero 23
Panginoon, alalahanin mo ako, pagdating mo sa iyong kaharian. Lucas 23:42. PnL
Sa pagdurusa ni Cristo sa krus ay may dumating sa Kanya na isang sinag ng kaaliwan. Ito’y ang panalangin ng isang nagsising magnanakaw. Ang dalawang lalaking ipinako sa krus kasama ni Jesus ang unang dumaing sa Kanya; at ang isa sa kanyang pagdurusa ay lalo lang naging desperado at mapanlaban. Ngunit hindi naging ganito ang kanyang kasama. Ang taong ito’y hindi isang pusakal na kriminal; siya’y naligaw ng masasamang kasamahan, ngunit siya’y hindi gaanong nagkasala kaysa mga taong tumayo sa tabi ng krus na nanlalait sa Tagapagligtas. Nakita at narinig niya si Jesus, at nanalig sa Kanyang mga turo, ngunit siya’y itinaboy mula sa Kanya ng mga saserdote at pinuno. Sa paghahangad na mapatahimik ang pananalig, siya ay nalublob nang malalim na malalim sa kasalanan, hanggang sa siya’y maaresto, malitis bilang isang kriminal, at mahatulang mamatay sa krus. Sa bulwagan ng hukuman at sa daan tungo sa Kalbaryo ay nakasama niya si Jesus. Narinig niyang ipinahayag ni Pilato na, “Wala akong nakitang anumang kasalanan sa Kanya.” (Juan 19:4.) Tinandaan niya ang Kanyang maka-Diyos na tindig, at ang Kanyang may awang pagpapatawad sa mga nagpahirap sa Kanya. Sa krus ay nakita niya ang maraming mga dakilang relihiyonsita na nagbabato ng mga salitang paghamak, at pangungutya sa Panginoong Jesus. . . . Sa mga dumaraan ay marami siyang naririnig na nagtatanggol kay Jesus. Naririnig niya silang inuulit ang Kanyang mga salita, at sinasabi ang tungkol sa Kanyang mga gawa. Ang pagkahikayat ay nanumbalik sa kanya na ito ang Cristo. Sa paglingon sa kanyang kapwa kriminal ay sinabi niyang, “Hindi ka pa ba natatakot sa Diyos, yamang ikaw ay nasa gayunding hatol ng kaparusahan?” Ang mga mamamatay na magnanakaw ay wala nang dapat katakutan sa tao. Ngunit pumasok sa isa sa kanila ang pananalig na may isang Diyos na dapat katakutan, isang hinaharap na dapat niyang panginigan. At ngayon, gaano man siya narumihan ng kasalanan, ang kanyang kasaysayan ay magtatapos na. “Tayo ay nahatulan ng matuwid,” ang taghoy niya; sapagkat tinanggap natin ang nararapat na kabayaran sa ating mga gawa. Subalit ang taong ito’y hindi gumawa ng anumang masama.” PnL
Niliwanagan ng Banal na Espiritu ang kanyang isipan, at unti-unting nagkasamasama ang kawing ng ebidensya. Kay Jesus na sinugatan, kinutya, at ibinitin sa krus, ay nakikita niya ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng mundo. Ang pag-asa ay nalahukan ng pagdadalamhati sa kanyang tinig nang ibigay ng walang magagawa at namamatay na kaluluwang ito ang kanyang sarili sa Tagapagligtas. “Jesus, alalahanin Mo ako,” ang hiyaw niya, “pagdating Mo sa Iyong kaharian.” Mabilis na dumating ang kasagutan. Sa malumanay at matamis na tinig, puno ng pag-ibig, kahabagan, at kapangyarihan ng mga salita: Katotohanang sinasabi Ko sa iyo, ngayon ikaw ay makakasama Ko sa Paraiso.— The Desire of Ages, pp. 749, 750. PnL