Pauwi Na Sa Langit
Malinis Ka, Pebrero 22
Ang napaliguan na ay hindi na kailangang hugasan maliban ang kanyang mga paa, sapagkat malinis nang lubos. Kayo'y malinis na. Juan 13:10. PnL
Higit pa ang kahulugan ng mga salitang ito sa kalinisan ng pangangatawan. Si Cristo ay nagsasalita pa rin tungkol sa mas mataas na paglilinis tulad ng inilalarawan nang nasa baba. Siyang nagmula sa paliguan ay malinis, ngunit kaagad na nagiging maputik ang mga paang nakasandalyas, at nangangailangang mahugasan ulit. Kaya si Pedro at ang kanyang mga kapatiran ay nalinis sa malaking bukal na binuksan para sa kasalanan at karumihan. Kinilala sila ni Cristo bilang Kanya. Ngunit ang tukso ay nagdala sa kanila sa kasamaan, at kinakailangan pa rin nila ang Kanyang naglilinis na biyaya. Nang talian ni Jesus ang Kanyang sarili ng isang tuwalya upang hugasan ang alikabok na nasa kanilang mga paa, ninais Niyang hugasan sa pamamagitan ng mismong kilos na ito ang pagkakahiwalay, paninibugho, at pagmamataas mula sa kanilang mga puso. Ito’y may higit na resulta kaysa paghuhugas ng alikabok sa kanilang mga paa. Sa espiritung mayroon sila noon, wala ni isa sa kanila ang handa sa pakikipagniig kay Cristo. Hanggang sa madala sa isang kalagayan ng pagpapakumbaba at pag-ibig, hindi sila handang makibahagi sa hapunan ng paschal, o makibahagi sa serbisyo ng pag-alaala sa malapit nang isagawa ni Cristo. Kailangang malinis ang kanilang mga puso. Ang pagmamataas at paghahangad sa sarili ay lumilikha ng pagkakagulo at poot, ngunit ang lahat ng ito’y nilinis ni Jesus sa paghuhugas ng kanilang mga paa. Isang pagbabago ng pakiramdam ang naganap. Sa pagtingin sa kanila, maaari nang sabihin ni Jesus na, “Kayo ay malinis na.” Ngayon ay mayroon nang pagkakaisa sa puso, at pagibig sa isa’t isa. Sila ay naging mapagpakumbaba at madaling turuan. . . . PnL
Sa tuwing nagtitipon ang mga mananampalataya upang ipagdiwang ang mga ordinansa, naroroon ang presensya ng mga mensaherong di-nakikita ng mga mata ng tao. Maaaring mayroong isang Judas sa samahan, at kung mayroon man, ang mga mensahero mula sa prinsipe ng kadiliman ay naroroon, sapagkat pinaglilingkuran nila ang lahat na tumatangging makontrol ng Banal na Espiritu. Naroroon din ang presensya ng mga anghel ng langit. Ang mga di-nakikitang mga bisita ay naroroon sa bawat ganitong okasyon. Maaaring may dumating sa samahan na mga taong wala sa puso ang pagiging lingkod ng katotohanan at kabanalan, ngunit nagnanais na makibahagi sa serbisyo. Hindi sila dapat pagbawalan. Mayroong mga saksing naroroon nang hugasan ni Jesus ang mga paa ng mga alagad at ni Judas. Hindi lang mga mata ng tao ang nakakita sa eksena. . . . PnL
Walang dapat magbukod ng kanilang sarili sa Komunyon sa kadahilanang naroroon ang presensya ng ilang di-karapat-dapat. Bawat alagad ay tinawagang makisali sa harap ng madla, at sa gayo’y magdala ng patotoo ng pagtanggap kay Cristo bilang personal na Tagapagligtas. Sa pamamagitan ng mga ito, na Kanyang mga itinakda, kinatatagpo ni Cristo ang Kanyang bayan, at pinasisigla sila sa pamamagitan ng Kanyang presensya.— The Desire of Ages , pp. 646, 656. PnL