Pauwi Na Sa Langit

48/364

Ang Mabuting Pastol, Pebrero 17

Ako ang mabuting pastol. Juan 10:11. PnL

Kilalang-kilala ni Jesus ang bawat kaluluwa na para bang siya lang ang tanging pinagkamatayan ng Tagapagligtas. Ang pagkabalisa ng bawat isa ay umaantig sa Kanyang puso. Ang sigaw ng saklolo ay umaabot sa Kanyang tainga. Naparito Siya upang ilapit ang lahat sa Kanya. Inanyayahan Niya silang, “Sumunod kayo sa Akin,” at ang Kanyang Espiritu ay gumagawa sa kanilang mga puso upang akitin silang lumapit sa Kanya. Marami ang tumangging mailapit. Kilala ni Jesus kung sino sila. Kilala din Niya kung sino ang masayang dumirinig ng Kanyang panawagan, at handang magpasailalim sa Kanyang pastoral na pangangalaga. Sinabi niya, “Pinapakinggan ng Aking mga tupa ang Aking tinig, at sila’y Aking kilala, at sila’y sumusunod sa Akin.” (Juan 10:27.) Nag-aalaga Siya sa bawat isa na tila wala nang iba pa sa ibabaw ng mundo. . . . PnL

Hindi ang takot sa parusa, o pag-asa ng walang hanggang gantimpala, ang nagdadala sa mga alagad ni Cristo na sumunod sa Kanya. Nakita nila ang walangkatulad na pag-ibig ng Tagapagligtas, na ipinahayag sa buong paglalakbay Niya sa mundo, mula sa sabsaban ng Bethlehem hanggang sa krus ng Kalbaryo, at ang nakikita sa Kanya ang umaakit, nagpapalambot at nagpapasuko sa kaluluwa. Ginigising ng pag-ibig ang puso ng mga tumitingin. Pinakikinggan nila ang Kanyang tinig, at sinusundan Siya. PnL

Kung paanong nauuna ang pastol sa kanyang mga tupa, siya mismo ang unang humaharap sa mga panganib sa daan, gayundin si Jesus sa Kanyang bayan. “Kapag nailabas Niya ang lahat ng Kanya, ay nangunguna Siya sa kanila.” (Juan 10:4.) Ang daan tungo sa langit ay pinabanal ng mga yapak ng Tagapagligtas. Ang landas ay maaaring matarik at mahirap, ngunit nilakbay ni Jesus ang daang iyon; dinurog ng Kanyang mga paa ang malupit na mga tinik, upang gawing mas madali ang landas para sa atin. Ang bawat pasaning tinawagan tayong dalhin ay Siya mismo ang nagpasan. PnL

Bagaman ngayon ay umakyat na Siya sa presensya ng Diyos, at nakibahagi sa trono ng sansinukob, walang nawala sa Kanya sa Kanyang madamaying katangian. Ngayon ang kaparehong maawain, at nakikiramay na puso ay bukas sa lahat ng mga kaabahan ng sangkatauhan. Ngayon ang kamay na pinakuan ay inaabot upang higit na saganang magpala sa Kanyang bayan na nasa sanlibutan. “At kailanma’y hindi sila mapapahamak, at hindi sila aagawin ng sinuman sa Aking kamay.”(Juan 10:28.) Ang kaluluwang nagbigay ng kanyang sarili kay Cristo ay higit na mahalaga sa Kanyang paningin kaysa buong mundo. Ang Tagapagligtas ay dadaan sa paghihirap ng Kalbaryo upang ang isa ay mailigtas sa Kanyang kaharian. Hindi Niya kailanman tatalikuran ang isa na para sa kanya Siya namatay. Maliban kung pipiliin ng Kanyang mga tagasunod na iwanan Siya, mahigpit Niya silang hahawakan.— The Desire of Ages, pp. 480-483. PnL