Pauwi Na Sa Langit

46/364

Manatiling Nakatuon Kay Cristo, Pebrero 15

Kaya't sinuman ang nakay Cristo, siya'y bagong nilalang. 2 Corinto 5:17. PnL

Nang kinuha ni Cristo ang kalikasan ng tao sa Kanya, itinali Niya ang sangkatauhan sa Kanyang Sarili ng isang tali ng pag-ibig na hindi kailanman masisira ng anumang kapangyarihan maliban sa pagpili mismo ng tao. Patuloy na magpapakita si Satanas ng mga pang-akit upang himukin tayong sirain ang taling ito—upang piliing ihiwalay ang ating mga sarili kay Cristo. Dito natin kailangang magbantay, magsikap, at manalangin, upang walang makapang-akit sa atin na piliin ang iba pang panginoon; sapagkat tayo’y palaging malayang gawin ito. Ngunit panatilihin nating ituon ang ating mga mata kay Cristo, at pangangalagaan Niya tayo. Sa pagtingin kay Jesus, ligtas tayo. Walang makabubunot sa atin mula sa Kanyang kamay. Sa patuloy na pagtingin sa Kanya, tayo’y “nababago sa gayunding larawan, mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian, sapagkat ito ay mula sa Panginoon na siyang Espiritu.” (2 Corinto 3:18.) PnL

Sa gayo’y natamo ng mga unang alagad ang pagkakapareho nila sa mahal na Tagapagligtas. Nang marinig ng mga alagad na iyon ang mga salita ni Jesus, nadama nila ang kanilang pangangailangan sa Kanya. Hinanap nila, natagpuan, at sumunod sila sa Kanya. Kasama nila Siya sa bahay, sa hapag, sa silid, at sa bukid. Kasama nila Siya bilang mga mag-aaral na may isang guro, araw-araw na natatanggap mula sa Kanyang mga labi ang mga banal na katotohanan. Tumingin sila sa Kanya, bilang mga lingkod sa kanilang panginoon, upang alamin ang kanilang tungkulin. Ang mga alagad na iyon ay mga lalaking “may likas na gaya rin ng sa natin.” (Santiago 5:17.) Nagkaroon sila ng parehong pakikibaka sa kasalanan. Kinakailangan nila ang parehong biyaya, upang mabuhay ng isang banal na buhay. PnL

Maging si Juan, ang minamahal na alagad, siyang lubos na nakapagpaaninag ng wangis ng Tagapagligtas, ay hindi natural na tinaglay ang gayong kagandahan ng karakter. Hindi lang siya isang taong iginigiit ang kanyang sarili at mapaghangad sa karangalan, kundi walang pasensya, at sumasama ang loob kapag nasasaktan. Ngunit habang ang karakter Niyang Banal ay nakikita sa kanya, nakita niya ang kanyang kakulangan at pinagpakumbaba ng kaalamang ito. Ang lakas at pagtitiyaga, ang kapangyarihan at pagkagiliw, ang kamahalan at kaamuan, na kanyang nakita sa pang-araw-araw na buhay ng Anak ng Diyos, ay nagpuno sa kanyang kaluluwa ng paghanga at pag-ibig. Araw-araw ang kanyang puso ay nailalapit kay Cristo, hanggang sa mawala ang kanyang pagtingin sa sarili dahil sa pag-ibig ng Panginoon. Ang kanyang palaban at ambisyosong pag-uugali ay isinuko sa humuhubog na kapangyarihan ni Cristo. Ang bumabagong impluwensya ng Banal na Espiritu ang bumago sa kanyang puso. Ang kapangyarihan ng pag-ibig ni Cristo ay gumawa nang pagbabago sa karakter. Ito ang siguradong bunga ng pakikiisa kay Jesus. Kapag si Cristo ay nanirahan sa puso, nagbabago ang buong kalikasan. Ang Espiritu ni Cristo, ang Kanyang pag-ibig, ang nagpapalambot ng puso, nagpapasuko ng kaluluwa, at nagpapataas ng mga saloobin at hangarin tungo sa Diyos at sa langit.— Steps to Christ , pp. 72, 73. PnL