Pauwi Na Sa Langit

45/364

Pagtitiyaga, Pebrero 14

Kaya ba ninyong uminom sa kopang Aking iinumin? Marcos 10:38. PnL

Sa kasaklapan na dumating sa karanasan ng sangkatauhan, walang bahaging hindi naranasan ni Cristo. Mayroong mga taong sumubok na Siya’y hamakin dahil sa Kanyang pagkapanganak, at maging sa Kanyang pagkabata ay kailangan Niyang harapin ang kanilang mga mapanuyang tingin at mapanirang bulung-bulungan. Kung Siya’y tumugon sa pamamagitan ng isang padalus-dalos na salita o sulyap, kung sumangayon Siya sa Kanyang mga kapatid sa pamamagitan ng kahit isang maling pagkilos, mabibigo Siyang maging isang perpektong halimbawa. Sa gayo’y mabibigo Siya sa pagsasagawa ng plano para sa ating pagtubos. Kung inamin pa Niyang maaaring may dahilan para sa kasalanan, maaaring nagtagumpay na si Satanas, at napahamak na ang mundo. Ito ang dahilan kung bakit gumagawa ang manunukso upang hangga’t maaari ay pahirapan ang Kanyang buhay, upang Siya’y makagawa ng kasalanan. PnL

Ngunit sa bawat tukso ay mayroon Siyang naging isang sagot, “Nasusulat.” Madalang Niyang sawayin ang anumang pagkakamali ng Kanyang mga kapatid, ngunit mayroon Siyang isang salita mula sa Diyos na sinasabi sa kanila. Madalas Siyang inaakusahang duwag dahil sa pagtangging makiisa sa kanila sa ilang ipinagbabawal na kilos; ngunit ang Kanyang sagot ay, Nasusulat, “Ang pagkatakot sa Panginoon, ay karunungan; at ang pag-alis sa kasamaan ay ang pag-unawa.” (Job 28:28.) PnL

May ilang naghahangad ng Kanyang pakikisama, na nakadarama ng kapayapaan sa Kanyang piling; ngunit marami ang umiiwas sa Kanya, sapagkat sila’y nasusuwata ng Kanyang walang dungis na buhay. . . . PnL

Madalas Siyang natatanong, Bakit ka nakahilig sa pagiging napakanatatangi, napakakakaiba sa aming lahat? Nasusulat, Sinabi niya, “Mapalad silang sakdal ang landas, na sa kautusan ng Panginoon ay lumalakad! Mapalad silang nag-iingat ng Kanyang mga patotoo, na hinanap Siya nang buong puso. Na hindi rin gumagawa ng kasamaan; kundi lumalakad sa Kanyang mga daan.” (Awit 119:1-3.) PnL

Nang matanong kung bakit hindi Siya sumali sa mga katuwaan ng kabataan ng Nazaret, sinabi Niyang, Nasusulat na, “Ako’y nagagalak sa daan ng Iyong mga patotoo, gaya ng lahat ng kayamanan. Ako ay magbubulay-bulay sa mga tuntunin Mo, at igagalang ang mga daan Mo. Ako’y magagalak sa Iyong mga tuntunin; Hindi ko kalilimutan ang Iyong salita.”(Awit 119:14-16.) PnL

Hindi ni Jesus ipinaglaban ang Kanyang mga karapatan. Kadalasan ang Kanyang gawain ay napakahirap sapagkat Siya’y handa at di-mareklamo. Ngunit hindi Siya nabigo o nasiraan ng loob. Nabuhay Siyang higit sa mga paghihirap na ito, na waring nasa liwanag ng mukha ng Diyos. Hindi Siya gumanti nang Siya’y pinahirapan, ngunit matiyagang pinasan ang pang-iinsulto.— The Desire of Ages, pp. 88, 89. PnL