Pauwi Na Sa Langit

40/364

Nauunawaan Ng Diyos, Pebrero 9

At mula sa Kanyang kapuspusan ay tumanggap tayong lahat, biyaya na sinundan pa ng ibang biyaya. Juan 1:16. PnL

Yamang dumating si Jesus upang manirahan kasama natin, alam nating batid ng Diyos ang ating mga pagsubok, at siya’y nakikiramay sa ating mga kalungkutan. Maaaring maunawaan ng bawat anak na lalaki at babae ni Adan na ang ating Manlalalang ay kaibigan ng mga makasalanan. Sapagkat sa bawat doktrina ng biyaya, bawat pangako ng kagalakan, bawat gawa ng pag-ibig, bawat banal na pang-akit na ipinakita sa buhay ng Tagapagligtas sa mundo, nakikita natin “na kasama natin ang Diyos.” Inilalarawan ni Satanas ang utos ng pag-ibig ng Diyos bilang isang batas ng pagiging makasarili. Ipinapahayag niyang imposible para sa atin na sundin ang mga alituntunin nito. Ang pagbagsak ng ating unang mga magulang, kasama ang lahat ng ibinungang kalungkutan, ay kanyang ibinibintang sa Manlalalang, na naghahatid sa mga tao na tingnan ang Diyos bilang may-akda ng kasalanan, pagdurusa, at kamatayan. Dumating si Jesus upang ibunyag ang panlilinlang na ito. Bilang isa sa atin kailangan Niyang magbigay ng isang halimbawa ng pagsunod. Dahil dito kinuha Niya sa Kanyang sarili ang ating kalikasan, at dumanas ng ating mga karanasan. “Kaya’t kailangang Siya ay maging kagaya ng kanyang mga kapatid.” (Hebreo 2:17.) Kung kinailangan nating magbata ng anumang bagay na hindi binata ni Jesus, kung gayon sa puntong ito’y ilalarawan ni Satanas na di-sapat ang kapangyarihan ng Diyos para sa atin. Samakatuwid si Jesus ay “tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin” (Hebreo 4:15.) Tiniis Niya ang bawat pagsubok kung saan tayo napapailalim. Hindi Siya gumamit ng kapangyarihan para sa sarili Niya na hindi libreng inialok sa atin. Bilang isang tao, hinarap Niya ang tukso, at pinagtagumpayan ito ayon sa lakas na ibinigay sa Kanya mula sa Diyos. Sinabi niya, “ Kinaluluguran Kong sundin ang Iyong kalooban, O Diyos Ko: Oo, ang Iyong kautusan ay nasa loob ng Aking puso.” (Awit 40:8.) Habang Siya’y nagpapatuloy sa paggawa ng mabuti at sa pagpapagaling sa lahat ng mga pinahirapan ni Satanas, ginawa Niyang malinaw sa lahat ang karakter ng kautusan ng Diyos at ang kalikasan ng Kanyang paglilingkod. Nagpapatotoo ang Kanyang buhay na tayo rin ay posibleng makasunod sa kautusan ng Diyos. PnL

Sa pamamagitan ng Kanyang pagkatao, nakipag-ugnayan si Cristo sa sangkatauhan; sa pamamagitan ng Kanyang pagka-Diyos, pinanghawakan Niya ang trono ng Diyos. Bilang Anak ng tao, binigyan Niya tayo ng isang halimbawa ng pagsunod; bilang Anak ng Diyos, binibigyan Niya tayo ng kapangyarihang sumunod. Si Cristo ang siyang nagsalita mula sa mababang punungkahoy sa Horeb kay Moises na nagsasabing, “AKO AY ANG AKO NGA.” . . . At sa atin ay nagsasabing: “AKO ang Mabuting Pastol.” “AKO ang Tinapay na buhay.” “AKO ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay.” “Ang lahat ng awtoridad sa langit sa ibabaw ng lupa ay ibinigay na sa Akin.” (Juan 10:11; 6:51; 14:6; Mateo 28:18.) AKO ang katiyakan ng bawat pangako. AKO AY; huwag kayong matakot. Ang “ sumasaatin ang Diyos” ay katiyakan ng ating paglaya mula sa kasalanan at kasiguruhan ng ating kapangyarihan na sumunod sa kautusan ng langit.— The Desire of Ages, pp. 24, 25. PnL