Pauwi Na Sa Langit

37/364

Pag-Ibig Na Di-Makasarili, Pebrero 6

Sapagkat hindi sinugo ng Diyos ang Anak sa sanlibutan upang hatulan ang sanlibutan, kundi ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan Niya. Juan 3:17. PnL

Ang liwanag ng kaalaman ng kaluwalhatian ng Diyos” ay nakikita “sa mukha ni JesuCristo.” (2 Corinto 4:6.) Mula sa panahon nang walang hanggan ang Panginoong Jesu-Cristo ay kaisa ng Ama; Siya “ang larawan ng Diyos,” ang larawan ng Kanyang kadakilaan at kamahalan, “ang ningning ng Kanyang kaluwalhatian.” Ito’y upang ihayag ang kaluwalhatiang ito kaya Siya dumating sa lupang ito. Para sa lupang ito na napadilim ng kasalanan, Siya’y dumating upang ipahayag ang liwanag ng Pag-ibig ng Diyos—upang maging “kasama natin ang Diyos.” Kaya inihula tungkol sa Kanya, “ang Kanyang pangalan ay tatawaging Immanuel.” PnL

Sa pamamagitan ng paninirahang kasama natin, ay ipapakita ni Jesus ang Diyos sa mga tao at sa mga anghel. Siya ang Salita ng Diyos—ang isipan ng Diyos na naririnig. Sa Kanyang panalangin para sa Kanyang mga alagad sinabi Niyang, Ipinakilala ko sa kanila ang pangalan Mo.”—“mahabagin at mapagpala, hindi magagalitin, at sagana sa wagas na kabutihan at katotohanan,“—“upang ang pag-ibig Mo sa Akin ay mapasakanila, at Ako’y sa kanila.” (Juan 17:26; Exodo 34:6.) Ngunit hindi lang para sa Kanyang mga anak na ipinanganak sa mundo ibinigay ang paghahayag na ito. Ang ating maliit na mundo ay aklat aralin ng sansinukob. Ang kahanga-hangang layunin ng biyaya ng Diyos, ang misteryo ng tumutubos na pag-ibig, ay ang temang “gustong pagmasdan ng mga anghel,” at ito ang kanilang pag-aaralan sa buong panahon ng walang-hanggan. Ang mga tinubos at ang mga di-nagkasalang nilalang ay masusumpungan sa krus ni Cristo ang kanilang siyensya at kanilang awitin. Makikita na ang kaluwalhatiang nagniningning sa mukha ni Jesus ay ang kaluwalhatian ng mapagsakripisyong pag-ibig. Ayon sa liwanag ng Kalbaryo, makikita na ang batas ng di-makasariling pag-ibig ay ang batas ng buhay sa lupa at langit; na ang pag-ibig na “hindi hinahanap ang kanyang sarili” ay may pinanggagalingan sa puso ng Diyos; at sa Isang maamo at mapagpakumbaba ay naihayag ang karakter Niyang tumatahan sa liwanag na hindi kayang lapitan ng tao. PnL

Nang pasimula, ang Diyos ay naihayag sa lahat ng mga gawa ng paglikha. Si Cristo mismo na lumikha ng mga langit, at naglatag ng mga pundasyon ng lupa. Ang Kanyang kamay ang nagsabit ng mga sanlibutan sa kalawakan, at humugis ng mga bulaklak sa bukiran. “Sa pamamagitan ng Iyong lakas ay itinayo Mo ang kabundukan.” “Ang dagat ay Kanya sapagkat ito’y Kanyang ginawa.” (Awit 65:6; 95:5.) Siya ang nagpuno sa lupa ng kagandahan, at ng hangin na may awitin. At sa lahat ng mga bagay sa lupa, at sa hangin, at kalawakan, Kanyang isinulat ang mensahe ng pag-ibig ng Ama.— The Desire of Ages, pp. 19, 20. PnL