Pauwi Na Sa Langit
Ang Banal Na Guro, Pebrero 5
Ang Kanyang pangalan ay tatawaging, “Kamangha-mangha, Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang Hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. Isaias 9:6. PnL
Sa Gurong sugo mula sa Diyos, ipinagkaloob sa atin ng langit ang pinakamabuti at pinakadakila nito. Siyang tumatayo sa mga konsilyo ng Kataas-taasan, na nanahan sa pinakaloob-looban ng santuwaryo ng Walang Hanggan, ay Siyang napili upang ihayag ng personal sa sangkatauhan ang kaalaman ng Diyos. PnL
Sa pamamagitan ni Cristo ay naipahayag ang bawat sinag ng banal na liwanag na nakaabot sa ating nagkasalang sanlibutan. Siya na mismong nagsalita sa bawat isa na sa mga lumipas na panahon ay nagpahayag ng salita ng Diyos sa sangkatauhan. Sa Kanya ang lahat ng mga kahusayang nakita sa mga pinakadakila at napakarangal na mga kaluluwa sa lupa ay mga aninag. Ang kadalisayan at kabutihang loob ni Jose, at pananampalataya at pagtitiis ni Moises, ang katatagan ni Eliseo, ang marangal na integridad at katatagan ni Daniel, ang kasigasigan at pagsasakripisyo ni Pablo, ang kaisipan at espirituwal na kapangyarihan na nahayag sa lahat ng mga lalaking ito, at sa iba pang nanirahan sa lupa, ay mga silahis lang ng nagniningning Niyang kaluwalhatian. Sa Kanya ay natagpuan ang sakdal na huwaran. PnL
Ang ihayag ang huwarang ito bilang natatanging tunay na pamantayan na dapat abutin; at ipakita kung ano ang makakayang abutin ng bawat tao; kung ano, sa pamamagitan ng pananahan sa tao ng Kadiyosan, maging ang lahat ng tumanggap sa Kanya—para rito, kaya dumating si Cristo sa mundo. Dumating Siya upang ipakita kung paano tayo dapat sanaying maging angkop na mga anak na lalaki at babae ng Diyos; kung paano natin dito sa lupa sasanayin ang prinsipyo at ipamumuhay ang buhay ng langit. PnL
Ang pinakadakilang kaloob ng Diyos ay iginawad upang matugunan ang ating pinakamalaking pangangailangan. Ang Liwanag ay nagpakita sa panahon kung kailan nasa pinakamalubha ang kadiliman ng mundo. Sa pamamagitan ng mga maling aral, matagal nang nailayo sa Diyos ang isipan ng mga tao. Sa mga umiiral na sistema ng edukasyon, pinalitan ng pilosopiya ng tao ang makalangit na paghahayag. Sa halip na tanggapin ang galing sa langit na pamantayan ng katotohanan, ang tinanggap ng mga tao ay ang pamantayan ng sarili nilang pag-iisip. Mula sa Liwanag ng buhay, sila’y lumayo upang lumakad sa mga liyab ng apoy na kanilang sinindihan. . . . PnL
Sinumang naghahangad na baguhin ang sangkatauhan ay dapat na unawain ang sangkatauhan sa kanyang sarili. Sa pamamagitan lang ng awa, pananampalataya, at pag-ibig maaaring maabot at itaas ang mga tao. Dito ay naihayag si Cristo bilang mahusay na guro; sa lahat ng mga nanirahan sa mundo. Siya lang ang may sakdal na pang-unawa sa kaluluwa ng tao.— Education, pp. 73, 74, 78. PnL