Pauwi Na Sa Langit
Isang Di-Napuputol Na Ugnayan, Pebrero 2
Walang pag-aalinlangan, dakila ang hiwaga ng kabanalan, Siyang nahayag sa laman. 1 Timoteo 3:16. PnL
Sa pamamagitan ng Kanyang buhay at ng Kanyang kamatayan, nakamit ni Cristo ang mas higit pa sa pagbawi mula sa kawasakang naganap dahil sa kasalanan. Layunin ni Satanas na magkaroon ng walang hanggang paghihiwalay sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan; ngunit kay Cristo, mas naging matibay ang ating pakikiisa sa Diyos kaysa noong tayo’y hindi pa bumagsak Sa pagkuha ng ating likas, naitali ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili sa sangkatauhan ng isang panali na hindi kailanman mapuputol. Sa loob ng walang hanggang panahon Siya ay nakaugnay sa atin. “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, na ibinigay Niya ang Kanyang tanging Anak.” (Juan 3:16.) Ibinigay Niya Siya hindi lang upang pasanin ang ating mga kasalanan, at mamatay bilang ating handog; ibinigay Niya Siya sa nagkasalang lahi. Upang tiyakin sa atin ang Kanyang dinagbabagong payo ng kapayapaan, ibinigay ng Diyos ang Kanyang bugtong na Anak upang maging kaisa sa pamilya ng mga tao, na walang hanggang mananatili sa Kanya ang likas ng tao. Ito ang pangako ng Diyos na Kanyang tutuparin ang Kanyang salita. . . . Inampon ng Diyos ang likas ng tao sa persona ng Kanyang Anak, at dinala ito sa pinakamataas na langit. Ang “Anak ng tao” mismo na kabahagi ng trono ng sansinukob. . . . Ang AKO NGA ang Tagapamagitan sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan, na ipinapatong sa dalawa ang Kanyang mga kamay. Siyang “banal, walang sala, walang dungis, hiwalay sa mga makasalanan,” ay hindi nahihiyang tawagin tayong mga kapatid. (Hebreo 7:26; 2:11.) Kay Cristo, ang mga sambahayan sa lupa at ang sambahayan sa langit ay itinaling magkasama. Si Cristo na niluwalhati ay ating kapatid. Ang langit ay idinambana sa sangkatauhan, at ang sangkatauhan ay niyakap sa sinapupunan ng Walang Katapusang Pag-ibig. . . . PnL
Sa pamamagitan ng sakripisyo ng pag-ibig, itinali ang mga naninirahan sa lupa at langit sa kanilang Manlilikha ng tali ng di-nasisirang pagsasama. PnL
Ang gawain ng pagtubos ay matatapos na. Kung saan sumasagana ang kasalanan, mas higit pang sumasagana ang biyaya ng Diyos. Ang lupa mismo, ang mismong bukirang inangkin ni Satanas bilang kanya, ay hindi lang tinubos kundi itinanghal. Ang ating maliit na mundo, na nasa ilalim ng sumpa ng kasalanan, ang isang maliit na tuldok sa Kanyang maluwalhating nilikha, ay pararangalan nang higit sa ibang mga mundo sa sansinukob ng Diyos. Dito, kung saan nanirahan sa pagiging tao ang Anak ng Diyos; kung saan nabuhay, nagdusa, at namatay ang Hari ng kaluwalhatian—dito, ang lugar kung saan gagawin Niyang bago ang lahat ng bagay, ang tabernakulo ng Diyos ay makakasama ng tao, “Siya’y maninirahang kasama nila, at sila’y magiging bayan Niya. Ang Diyos mismo ay makakasama nila, at siya’y magiging Diyos nila.” (Apocalipsis 21:3.) At sa loob ng walang katapusang panahon habang lumalakad ang mga tinubos sa liwanag ng Panginoon, pupurihin nila Siya dahil sa Kanyang di-maipaliwanag na Kaloob—Immanuel, “Kasama natin ang Diyos.”— The Desire of Ages , pp. 25, 26. PnL