Pauwi Na Sa Langit
Pebrero—Si Jesus, ang Kaloob ng Diyos
Isang Kusang-Loob Na Handog, Pebrero 1
Ang pangangaral ni Jesu-Cristo ayon sa pahayag na hiwaga na inilihim sa napakahabang panahon. Roma 16:25. PnL
Ang plano ng ating pagtubos ay hindi pinanukala matapos ang pangyayari, o isang planong binalangkas matapos ang pagkakasala ni Adan. Ito’y isang paghahayag ng “hiwaga na inilihim sa napakahabang panahon.” (Roma 16:25.) Ito’y isang pagsisiwalat ng mga prinsipyong naging pundasyon ng trono ng Diyos mula pa sa walang hanggang panahon. Mula sa pasimula, alam na ng Diyos at ni Cristo ang lubusang pagtalikod ni Satanas, at ang pagkakasala ng tao sa pamamagitan ng mapandayang kapangyarihan ng apostata. Hindi itinakda ng Diyos na umiral ang kasalanan, ngunit nakinita Niya ang pag-iral nito, at nagsagawa ng probisyon upang harapin ang kakila-kilabot na kagipitang ito. Napakalaki ng Kanyang pag-ibig sa mundo, na Siya’y nakipagtipan na ibigay ang Kanyang bugtong na Anak, “upang ang sinuman sa Kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16.) . . . PnL
Ito’y isang boluntaryong sakripisyo. Si Jesus ay maaaring manatili sa tabi ng Ama. Maaari Niyang panatilihin ang kaluwalhatian ng langit at ang pagsamba ng mga anghel. Ngunit pinili Niyang ibalik ang setro sa mga kamay ng Ama, at bumaba mula sa trono ng uniberso, upang Siya ay makapagbigay ng liwanag sa mga makasalanan at buhay sa mga mamamatay. PnL
Halos dalawang libong taon ang nakararaan, isang tinig na may misteryosong kahalagahan ang narinig sa langit, mula sa trono ng Diyos, “Hindi Mo nais ang alay at handog, ngunit ipinaghanda Mo Ako ng isang katawan. . . . Narito (sa balumbon ng aklat ay nasusulat tungkol sa Akin.) upang gawin ang Iyong kalooban, O Diyos.” (Hebreo 10:5-7.) Sa mga salitang ito, inanunsyo ang katuparan ng layunin na inilihim mula pa sa walang hanggang mga panahon. Bibisita na si Cristo sa mundo, at magkakatawang-tao. Sinabi Niyang, “ Ipinaghanda mo Ako ng isang katawan.” Kung nagpakita Siya sa kaluwalhatian na nasa Kanya kasama ng Ama bago pa ang sanlibutan, hindi natin makakayanan ang liwanag ng Kanyang presensya. Upang ating mapagmasdan ito at hindi mamatay, binalutan ang pagpapakita ng Kanyang kaluwalhatian. Ang Kanyang pagka-Diyos ay nilambungan ng katawan ng tao—ang di-nakikitang kaluwalhatian sa nakikitang anyo ng tao. . . . PnL
Kaya itinayo ni Cristo ang Kanyang tabernakulo sa kalagitnaan ng kampamento nating mga tao. Itinayo Niya ang Kanyang tolda sa tabi ng mga tolda ng sangkatauhan, upang Siya ay makapanahan kasama natin, at gawin tayong pamilyar sa Kanyang maka-Diyos na karakter at buhay.— The Desire of Ages, pp. 22, 23. PnL