Pauwi Na Sa Langit
Ang Korona Ng Buhay, Disyembre 25
Maging tapat ka hanggang sa kamatayan, at ibibigay Ko sa iyo ang korona ng buhay. Apocalipsis 2:10. PnL
Iyong mga tapat na naghihintay ang makokoronahan ng kaluwalhatian, karangalan at kawalang kamatayan. Hindi mo kailangang sabihin sa akin ang mga parangal ng mundo, o ang papuri ng mga dakila. Lahat ay walang kabuluhan. Hayaan nating ang daliri ng Diyos ang humipo sa kanila, at sila’y madaling babalik sa pagiging alabok. Nais ko ng karangalang walang hanggan, karangalang walang kamatayan, karangalang kailanman ay hindi mawawala: ng koronang mas sagana sa kahit anong koronang napatong sa ulo ng isang monarko.— REVIEW AND HERALD , August 17, 1869. PnL
Nakita ko ang napakaraming anghel na may dalang koronang buhat sa maluwalhating lunsod—korona para sa bawat banal, na may kanya-kanya nilang pangalan. Habang si Jesus ay tumatawag para sa korona, ang mga anghel ang nagpapakita ng mga ito, at gamit ang Kanyang kanang kamay, ipapatong ng maibiging Jesus sa ulo ng mga banal. Sa parehong paraan ay dadalhin ng mga anghel ang mga alpa, at ipapakita rin naman ito ni Jesus sa mga banal. Sisimulan ng nangungunang anghel ang unang tala, at ang bawat tinig ay itataas sa nagpapasalamat at nagagalak na papuri, at ang bawat kamay ang may kasanayang kumakalabit sa pisi ng alpa, na naghahatid ng malamyos na musikang sagana at perpekto. . . . PnL
Ang lahat ng nasa lunsod ay tunay na maganda. Ang mayamang kaluwalhatian ay makikita sa lahat ng dako. At pagkatapos ay tumingin si Jesus sa Kanyang mga tinubos na banal; ang kanilang mga mukha ay nagliliwanag sa kaluwalhatian; at habang nakatuon ang Kanyang tingin sa kanila, Siya’y nagsabi, nang may malakas at malamyos na tinig, “Narito ang paghihirap ng Aking kaluluwa, at nasiyahan ako. Ang mayamang kaluwalhatiang ito’y sa iyo upang iyong tamasahin magpakailanman. Ang iyong kapighatian ay natapos na. Hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na rin magkakaroon pa ng pagdadalamhati, o ng pagtangis man, o ng kirot man.”. . . PnL
Nakita ko si Jesus na pinamunuan ang Kanyang mga tao sa punungkahoy ng buhay. . . . Na kung saan sa puno ng buhay ay ang pinakamagandang bunga, na maaaring kainin ng mga banal. Sa lunsod ay ang pinakamaluwalhating trono, na kung saan dumadaloy ang isang dalisay na ilog ng tubig ng buhay, malinaw na tulad ng kristal. Sa bawat panig ng ilog na ito’y ang punungkahoy ng buhay, at sa mga pampang ng ilog ay ang iba pang magagandang puno na namumunga. . . . PnL
Ang kahit anong wika ay mahina upang subukang ilarawan ang langit. Habang nagaganap ang mga kaganapan sa aking harapan, nawala ako sa pagkamangha. Nadala sa labis na kaningningan at kaluwalhatian, inilatag ko ang panulat at sumigaw, “Oh, anong pag-ibig! Napakagandang pag-ibig!” Ang pinakamataas na wika ay nabigong ilarawan ang kaluwalhatian ng langit o ang walang kaparis na pag-ibig ng Tagapagligtas.— Early Writings , pp. 288, 289 PnL