Pauwi Na Sa Langit
Ang Una Nating Tungkulin, Enero 31
Kung ang sinuman ay nagnanais na gumawa ng kalooban ng Diyos ay makikilala niya kung ano ang turo mula sa Diyos. Juan 7:17. PnL
Ang una at pinakamataas na tungkulin ng bawat nakapangangatuwirang tao ay matutuhan kung ano ang katotohanan mula sa mga Kasulatan, at lumakad sa liwanag at hikayatin ang ibang sumunod sa halimbawang ito. Kailangan nating araw-araw na pag-aralan ang Biblia nang may kasigasigan, na tinitimbang ang bawat kaisipan at inihahambing ang kasulatan sa kasulatan. Sa tulong ng Diyos kailangan tayong humubog ng mga opinyon para sa ating mga sarili dahil sagutin natin ang ating mga sarili sa harapan ng Diyos. PnL
Ang mga katotohanang pinakamalinaw na inihayag sa Biblia ay laging nasasama sa pag-aalinlangan at kadiliman ng mga pantas na mga iskolar, na, habang nagkukunwaring may dakilang karunungan, ay nagtuturo na ang mga Kasulatan ay mayroong mahiwaga, lihim, at espirituwal na kahulugan na hindi malinaw sa wikang ginamit. Sila’y mga huwad na guro. Sa ganitong uri, ipinahayag ni Jesus: “Hindi ninyo nalalaman ang kasulatan, o kapangyarihan ng Diyos.” (Marcos 12:24.) Ang lengguwahe ng Biblia ay dapat na ipaliwanag ayon sa malinaw na kahulugan nito, malibang ginamitan ng isang simbolo o sagisag. Nagbigay si Cristo ng pangako: “Kung ang sinuman ay nagnanais na gumawa ng kalooban ng Diyos ay makikilala niya kung ano ang turo mula sa Diyos.” (Juan 7:17.) Kung tatanggapin lang ng mga tao ang Biblia na tulad ng mababasa, kung walang mga huwad na tagapagturo upang iligaw at lituhin ang kanilang mga isipan, isang gawain ang matutupad na magpapasaya sa mga anghel at magdadala sa kawan ng Diyos ng libu-libong naliligaw ngayon dahil sa kamalian. PnL
Dapat nating gamitin ang lahat ng kapangyarihan ng isipan sa pag-aaral ng mga Kasulatan at dapat na pakilusin ang pang-unawa na maunawaan, hanggang sa makakaya ng mga mortal, ang malalalim na bagay ng Diyos; ngunit hindi natin dapat kalimutan na ang pagkamasunurin at pagpapasakop ng isang bata ang tunay na espiritu ng magaaral. Ang mahihirap unawain sa Kasulatan ay hindi kailanman mapagdadalubhasaan sa pamamagitan ng parehong mga paraang ginagamit sa paglutas sa mga problema sa pilosopiya. Hindi tayo dapat humarap sa pag-aaral ng Biblia na may gayong pagtitiwala sa sariling kakayahan na ginagawa ng marami sa pagpasok sa nasasaklawan ng siyensya, ngunit dapat magkaroon ng isang mapanalangining pagdepende sa Diyos at taospusong pagnanais na matutuhan ang Kanyang kalooban. Dapat tayong magbasa na may kapakumbabaan at espiritung natuturuan upang tumanggap ng karunungan mula sa dakilang AKO NGA. Kung hindi, bubulagin ng mga masamang anghel ang ating mga isipan at patitigasin ang ating mga puso upang hindi kumintal sa atin ang katotohanan. PnL
Maraming bahagi ng Kasulatan na ipinahayag ng mga iskolar bilang isang misteryo, o nilalampasan bilang di-mahalaga, ang puno ng kaaliwan at turo para sa mga taong naturuan sa paaralan ni Cristo.— The Great Controversy, pp. 598, 599. PnL