Pauwi Na Sa Langit
Ang Eden Ay Naibalik, Disyembre 20
At nakita ko ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa; sapagkat ang unang langit at ang unang lupa ay lumipas na, at ang dagat ay wala na. Apocalipsis 21:1. PnL
Ang halamanan ng Eden ay matagal pang nanatili sa lupa pagkatapos na mapaalis ang tao mula sa kaaya-ayang landas nito. Ang lahing nagkasala ay matagal na pinahintulutan na tumingin sa tahanan ng kawalang-kasalanan, subalit ang kanilang pagpasok ay pinagbawalan lang ng mga nagbabantay na anghel. Ang banal na kaluwalhatian ay ipinahayag sa pintuang binabantayan ng mga anghel. Narito, dumating si Adan at ang kanyang mga anak upang sumamba sa Diyos. Dito ay ibinalik nila ang kanilang mga pangako ng pagsunod sa kautusan na kung saan ang paglabag nito’y ang dahilan ng pagpapalayas sa kanila sa Eden. Nang ang kasamaan ay lumaganap sa mundo, at ang kasamaan ng mga kalalakihan at kababaihan ay tumukoy sa kanilang pagkawasak sa pamamagitan ng baha ng tubig, ang kamay na nagtanim ng Eden ay binawi ito [Eden] mula sa lupa. Ngunit sa pangwakas na pagpapanumbalik, kung saan magkakaroon ng “bagong langit at bagong lupa” (Apocalipsis 21), ito’y ibabalik nang higit na maluwalhati kaysa sa simula. PnL
At silang nagsipag-ingat sa mga utos ng Diyos ay lalanghap ng walang hanggang kasiglahan sa ilalim ng puno ng buhay; at sa walang hanggan ay mamamasdan ng mga daigdig na di-nagkasala, sa halamanan ng kasiyahan, ang isang tularan ng sakdal na nilikha ng Diyos—hiwalay sa pakikialam ng kasalanan—isang larawan ng buong sanlibutan, kung ang tao lamang ay sumunod sa maluwalhating panukala ng Diyos. . . . PnL
Ang sakit ay hindi maaaring umiral sa langit. Sa tahanan ng mga tinubos ay walang luha, walang mamamatay, walang tatak ng pagdadalamhati. “At walang mamamayan na magsasabi, Ako’y may karamdaman ang bayang tumatahan doon ay patatawarin sa kanilang kasalanan.” (Isaias 33:24.) Ang masaganang pag-agos ng kaligayahan ay dadaloy at lalalim habang ang kawalang-hanggan ay lumilipas. PnL
Ang oras ay dumating na kung saan ang bayan ng Diyos ay titingin ng may pananabik mula nang ang nagniningas na tabak ay nagbawal sa unang pares mula sa Eden, ang panahon para sa “ikatutubos ng pag-aari” (Efeso 1:14.) Ang lupang orihinal na ibinigay sa sangkatauhan bilang kanilang kaharian, na ipinagkanulo ng mga ito sa mga kamay ni Satanas, at matagal na sinakupan ng malalakas na kalaban, ay naibalik ng dakilang panukala ng pagtutubos. Ang lahat ng nawala sa kasalanan ay naibalik. . . . Ang orihinal na layunin ng Diyos sa paglikha ng lupa ay natupad habang ginagawa itong walang hanggang tirahan ng mga tinubos.— God’s Amazing Grace , pp. 360, 361. PnL