Pauwi Na Sa Langit

352/364

Ang Paglilinis Ng Lupa, Disyembre 19

At ang diyablo na dumaya sa kanila ay inihagis sa lawa ng apoy at asupre, na kinaroroonan din naman ng halimaw at ng bulaang propeta; at sila'y pahihirapan araw at gabi magpakailanpaman. Apocalipsis 20:10. PnL

Sa ating mahabaging Diyos, ang gawain ng pagpaparusa ay isang kakaibang gawain. “Kung paanong buhay Ako, sabi ng Panginoong Diyos, wala Akong kasayahan sa kamatayan ng masama; kundi ang masama ay tumalikod sa kanyang lakad at mabuhay.” (Ezekiel 33:11.) . . . Bagaman hindi Siya nalulugod sa paghihiganti, Siya’y magsasakatuparan ng hatol sa nagsisisalangsang sa Kanyang kautusan.—Patriarchs And Prophets, p. 628. PnL

Ang apoy ay bababang mula sa langit buhat sa Diyos. Ang lupa ay bubuka. Ang mga sandatang natatago sa kanyang mga kalaliman ay lalabas. Namumugnaw na apoy ay sisilakbo sa bawat bitak. Ang malaking bato ay magliliyab. Dumating na ang araw na magliliyab na gaya ng isang hurno. Ang elemento ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa, pati ng mga gawang nasa lupa ay matutunaw—parang isang maluwang na dagat-dagatang apoy. (Malakias 4:1; 2 Pedro 3:10.) Ang ibabaw ng lupa ay tila isang tinunaw na masa—isang malawak, natatanging lawa ng apoy. Ito ang oras ng paghatol at pagkawasak ng mga masasama. . . . PnL

Tatanggapin ng mga masama ang kanilang kagantihan dito sa lupa. (Kawikaan 11:31.) Sila’y “magiging dayami, at ang araw na dumarating ay susunog, sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.” (Malakias 4:1.) Ang ilan ay namamatay sa isang sandali lamang, samantalang ang iba ay naghihirap ng maraming araw. Bawat isa ay parurusahan “ayon sa kanyang mga gawa.” Pagkalipat kay Satanas ng mga kasalanan ng mga matuwid, siya ay pahihirapan hindi lang dahil sa paghihimagsik niya, kundi dahil sa lahat ng kasalanang ipinapagkasala niya sa bayan ng Diyos. Ang parusa sa kanya ay malaki ang kahigitan kaysa mga dinaya niya. Pagka namatay na ang lahat ng napahamak dahil sa kanyang mga daya, ay buhay pa rin siya at magbabata pa. Sa mga apoy na maglilinis ay malilipol sa wakas ang mga masasama, ugat at sanga—si Satanas ang ugat, ang mga nagsisunod sa kanya ang mga sanga. Iginawad ang buong kaparusahang hinihingi ng kautusan; ibinigay ang hinihiling ng katarungan; at sa pagkakita ng langit at lupa, ay sasaksi at ipahahayag ang katuwiran ni Yahweh. PnL

Ang mapangwasak na gawain ni Satanas ay tapos na magpakailanman. Sa loob ng anim na libong taon ay ginawa niya ang kanyang kalooban, na pinupuno ng kaabaan ang sangkalupaan at pinagdadalamhati ang buong santinakpan. Ang buong nilalang ay dumaing at naghirap dahil sa pagkakasakit. Ngayon ay ligtas na ang mga nilalang ng Diyos sa pakikiharap at pagtukso. . . . PnL

Samantalang nababalot ang lupa ng apoy ng kawasakan, ang mga matuwid naman ay panatag sa loob ng banal na lunsod. Doon sa mga nakasama sa unang pagkabuhay na mag-uli, ay walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan. Samantalang ang Diyos ay isang mamumugnaw na apoy sa mga masasama, Siya ay araw at kalasag sa Kanyang bayan. (Apocalipsis 20:6; Awit 84:11.)— The Great Controversy, pp. 672, 673. PnL