Pauwi Na Sa Langit

351/364

Ang Hanay Ng Mga Tinubos, Disyembre 18

At nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang nakaupo roon; ang lupa at ang langit ay tumakas sa Kanyang harapan at walang natagpuang lugar para sa kanila. Apocalipsis 20:11. PnL

Sa katapusan ng isang libong taon ay muling mananaog si Cristo sa lupa. Sasama sa Kanya ang buong hukbo ng mga natubos, at aabayan Siya ng mga anghel. Sa pananaog Niyang taglay ang kakila-kilabot na kadakilaan, ay pababangunin Niya ang mga patay na makasalanan upang tanggapin ang kanilang kawakasan. Ang mga makasalanan na isang malaking hukbo, na di-mabilang na gaya ng buhangin sa dagat ay magsisilabas. Ano nga ang kaibahan nila sa mga nagsibangon sa unang pagkabuhay na mag-uli! Ang mga matuwid ay nadaramtan ng walang maliw na kabataan at kagandahan. Ang mga masama ay nagtataglay ng bakas ng sakit at kamatayan. . . . PnL

Pagbaba ng bagong Jerusalem mula sa langit, sa nakasisilaw na kaliwanagan, ay lalapag ito sa dakong dinalisay at inihandang talaga sa kanya, at si Cristo, pati ng Kanyang bayan at mga anghel ay papasok sa banal na lunsod. . . . PnL

Pakikitang muli si Cristo sa Kanyang mga kaaway. Sa itaas ng bayan, sa ibabaw ng isang patibayang pinakintab na ginto, ay may isang tronong mataas at matayog. Sa tronong ito’y nakaupo ang Anak ng Diyos, at sa palibot niya’y ang mga kampon ng kanyang kaharian. Ang kapangyarihan at kadakilaan ni Cristo ay hindi mailarawan ng pangungusap, ni maiguhit man ng panitik. Ang kaluwalhatian ng Walang Hanggang Ama ay lumulukob sa Kanyang anak. Ang kaningningan ng Kanyang kaluwalhatian ay pumupuno sa lunsod ng Diyos at kumakalat sa kabila ng mga pintuan, at pinupuno ang buong lupa ng luningning. PnL

Sa pinakamalapit sa trono ay doroon iyong noong una ay naging masipag sa gawain ni Satanas; datapwat tulad sa isang dupong na naagaw sa apoy, ay nagsinunod sila sa kanilang Tagapagligtas na may mataos at maningas na pagtatapat. Kasunod ng mga ito’y doroon naman iyong mga nagpasakdal sa mga kalikasang Cristiano sa kalagitnaan ng kasinungalingan at kawalang pananampalataya sa Diyos; mga taong gumalang sa kautusan ng Diyos bagaman ipinahayag ng buong Sangkacristianuhan na ang mga ito’y walang kabuluhan; at doroon din naman ang mga angaw-angaw ng lahat ng mga panahon, na pawang naging martir dahil sa kanilang pananampalataya. At sa dako roon ay matatanawan ang “isang lubhang karamihang di-mabilang ng sinuman na mula sa bawat bansa, at lahat ng mga angkan at mga bayan at mga wika, . . . na nakatayo sa harapan ng luklukan ng Diyos at sa harapan ng Kordero, na nangadaramtan ng mapuputing damit, at may mga palma sa kanilang mga kamay.” (Apocalipsis 7:9.) Naganap na ang kanilang pakikipaglaban, natamo na nila ang tagumpay. Tinakbo nila ang takbuhin at nakamtan ang gantimpala. Ang sanga ng palma na nasa kanilang mga kamay ay sagisag ng kanilang tagumpay at ang maputing damit ay isang tanda ng walang dungis na katuwiran ni Cristo na ngayon ay naging kanila.— The Great Controversy , pp. 662, 663, 665. PnL