Pauwi Na Sa Langit

344/364

Ang Pagpapanumbalik Kay Adan, Disyembre 11

Ang lahat ng mga araw ng naging buhay ni Adan ay siyamnaraan at tatlumpung taon at siya'y namatay. Genesis 5:5. PnL

Habang magalak na tinatanggap sa Lunsod ng Diyos ang mga natubos, umalingawngaw sa buong himpapawid ang isang masayang sigaw ng pagsamba. Magtatagpo na ang dalawang Adan. Ang Anak ng Diyos ay nakatayong nakaunat ang mga kamay upang tanggapin ang ama ng ating lahi—ang taong Kanyang nilikha, na nagkasala sa Maylalang sa kanya, at dahil sa kanyang kasalanan ay dala pa ng Tagapagligtas ang mga bakas ng pagpapako sa krus sa Kanyang katawan. Sa pagkakita ni Adan sa mga bakas ng malulupit na pako, hindi niya niyakap ang kanyang Panginoon, kundi sa pagpapakumbaba ay nagpatirapa siya sa Kanyang paanan, na nagsasabi ng “Ang Kordero na pinaslang ay karapat-dapat!” Buong giliw siyang itinayo ng Tagapagligtas, at inayang muling tingnan ang tahanang Eden kung saan malaong panahon na siyang pinalayas. PnL

Matapos ang pagpapalayas sa kanya mula sa Eden, ang buhay ni Adan ay napuno ng kalungkutan. Ang bawat nalalantang dahon, ang bawat biktima ng sakripisyo, bawat pagkasira sa kagandahan ng kalikasan, bawat mantsa sa kadalisayan ng sangkatauhan, ay isang sariwang paalala ng kanyang kasalanan. katakot-takot ang mga pait ng pagsisisi habang nakikita niya ang pananagana ng kasamaan, at, bilang tugon sa kanyang mga babala, hinaharap ang mga panlalait sa kanya bilang sanhi ng kasalanan. Nang may kababaang loob tinaglay niya, nang halos isang libong taon, ang kaparusahan ng paglabag. Matapat siyang nagsisi sa kanyang kasalanan at nagtiwala sa mga merito ng ipinangakong Tagapagligtas, at namatay siyang may pag-asa ng pagkabuhay na muli. Tinubos ng Anak ng Diyos ang kabiguan at pagkahulog ng sangkatauhan; at ngayon sa pamamagitan ng gawain ng pagtubos, muling ibinalik si Adan sa kanyang unang katungkulan. PnL

Tinangay nang may kagalakan, nakita niya ang mga punungkahoy na dati niyang kinalugdan ang mismong mga punong ang mga bunga ay siya mismo ang nagtipon, noong mga araw ng kanyang kalinisan at kaligayahan. Nakita niya ang mga baging na sinanay ng sarili niyang mga kamay, ang mismong mga bulaklak na kinalugdan niya noong alagaan. Napagtanto niya ang katunayan ng kanyang nasaksihan; nabatid niyang ito nga ang Eden na isinauli, mas kaibig-ibig ngayon kaysa noong siya’y paalisin doon. Isinama siya ng Tagapagligtas sa punungkahoy ng buhay at pumitas Siya ng maringal na bunga at ipinakain sa kanya. Tumingin siya sa kanyang palibot at nakita ang karamihan ng kanyang pamilyang natubos, na nangakatayo sa Paraiso ng Diyos. Inilapag niya ang kanyang nagniningning na putong sa paanan ni Jesus, at, sa pagkalapit sa Kanyang dibdib, niyakap niya ang Manunubos. Kinalabit niya ang gintong alpa, at ang mga arko ng langit ay umalingawngaw sa awit ng tagumpay: “Karapat-dapat, karapat-dapat ang Kordero na pinatay at muling nabuhay!” Inawit din ng mga anak ni Adan ang himig, at inilapag ang kanilang mga putong sa paanan ng Tagapagligtas samantalang sila’y yumuyukod na sumasamba sa harapan Niya.— The Great Controversy , pp. 647, 648 PnL