Pauwi Na Sa Langit
Ang 144,000, Disyembre 12
Pagkatapos ay tumingin ako, at naroon ang Kordero na nakatayo sa bundok ng Zion! Kasama Niya ang isandaan at apatnapu't apat na libong may pangalan Niya, at pangalan ng Kanyang Ama, na nakasulat sa kanilang mga noo. Apocalipsis 14:1. PnL
Sa ibabaw niyong dagat na bubog na parang may halong apoy, na nasa harapan ng trono na gayon na lang kaliwanag dahil sa kaluwalhatian ng Diyos—ay magkakatipon ang karamihan na “nangagtagumpay sa hayop, at sa kanyang larawan, sa kanyang marka, at sa bilang ng kanyang pangalan” Sa pamamagitan ng Kordero sa Bundok Sion, “may hawak na mga alpa ng Diyos” sila’y nakatayo, ang isang daan at apatnapu’t apat na libong tinubos mula sa gitna ng tao; at maririnig, gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng ugong ng malakas na kulog, “ang tinig ng mga manunugtog na tumutugtog ng kanilang mga alpa” At sila’y nagsisiawitan ng “bagong awit” sa harapan ng trono, ang awit na walang sinumang makaaalam maliban sa isandaan at apatnapu’t apat na libo. Ito ang awit ni Moses at ng Kordero—ang awit ng kaligtasan. Walang sinumang matututo ng awit na iyon kundi ang isandaan at apatnapu’t apat na libo lamang; dahil ito ang awit ng kanilang karanasan—ang karanasang walang sinumang grupo ang nakaranas. “Ang mga ito’y ang mga sumusunod sa Kordero saan man siya magtungo” Ang mga ito, na umakyat mula sa lupa, mula sa mga nangabubuhay, ay mabibilang na “mga pangunahing bunga sa Diyos at sa Kordero” (Apocalipsis 15:2, 3; 14:1-5.) “Ang mga ito ang nanggaling sa malaking kapighatian;” dumaan sila sa panahon ng kaguluhang kailanma’y hindi pa nangyari mula nang nagkaroon ng isang bansa; tiniis nila ang hirap sa panahon ng kabagabagan ni Jacob; tumayo sila nang walang tagapamagitan sa huling pagbubuhos ng paghatol ng Diyos. Ngunit sila’y iniligtas, sapagkat sila’y “naghugas ng kanilang mga damit at pinaputi ang mga ito sa dugo ng Kordero” “At sa kanilang bibig ay walang natagpuang kasinungalingan; sila’y mga walang dungis” sa harap ng Diyos. “Kaya’t sila’y nasa harapan ng trono ng Diyos at naglilingkod sa Kanya araw at gabi sa Kanyang templo; at Siyang nakaupo sa luklukan ay kakanlungan sila” Nakita nilang nasalanta ang lupa sa pagkagutom at mga salot, ang araw na may kapangyarihang pumaso sa mga naninirahan nang may matinding init, at sila mismo ay nagtiis ng pagdurusa, gutom, at uhaw. Ngunit “Sila’y hindi na magugutom pa, ni mauuhaw man; ni hindi na sila tatamaan ng araw, o ng anumang nakakapasong init, ssapagkat ang Kordero na nasa gitna ng trono ay siyang magiging pastol nila, at sila’y papatnubayan patungo sa mga bukal ng tubig ng buhay; at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata” (Apocalipsis 7:14-17.) . . . PnL
Sa pamamagitan ng kanilang sariling masakit na karanasan, nalaman nila ang kasamaan ng kasalanan, ang kapangyarihan nito, ang pagkakasala nito, ang kaabahan nito; at tinitingnan nila ito nang may pagkasuklam.— The Great Controversy , pp. 648-650. PnL