Pauwi Na Sa Langit

343/364

Ang Pag-Akyat Sa Langit Ng Mga Buhay Na Matuwid, Disyembre 10

Tayong nabubuhay na natitira ay aagawing kasama nila sa mga ulap, upang salubungin ang Panginoon sa papawirin. 1 Tesalonica 4:17. PnL

Ang mga buhay na matuwid ay babaguhin “sa isang saglit, sa isang kisap-mata.” Sa tinig ng Diyos sila’y naluwalhati; ngayon nama’y gagawin silang imortal, at kasama ng mga banal na nagsibangon ay aagawin sila upang salubungin ang Panginoon sa hangin. Ang mga anghel ay “titipunin ang kanyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila.” Ang maliliit na bata ay dadalhin ng mga anghel sa kanilang mga ina. Ang magkakaibigang malaong pinaghiwalay ng kamatayan ay muling magkakasama, hindi na magkakalayo pa, at sabay na aakyat sa Lunsod ng Diyos nang may mga awit ng kagalakan. PnL

Sa bawat panig ng maulap na karo ay may mga pakpak, at sa ilalim nito’y mga buhay na gulong; at habang ang karwahe ay gumugulong pataas, ang mga gulong ay sumisigaw ng “Banal,” at ang mga pakpak, habang lumilipad, sumisigaw ng, “Banal,” at ang grupo ng mga anghel ay sumisigaw ng, “Banal, banal, banal, ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat.” At ang mga natubos ay sumisigaw ng, “Aleluia!” habang ang karwahe ay pumapailanlang tungo sa Bagong Jerusalem. PnL

Bago pumasok sa Bayan ng Diyos, ang Tagapagligtas ay magkakaloob sa Kanyang mga alagad ng mga tanda ng kanilang tagumpay, at igagawad sa kanila ang sagisag ng kanilang pagiging maharlika. Ang nagkikislapang mga hanay ay inayos sa isang parisukat sa palibot ng kanilang Hari, na ang anyo ay lalong mataas kaysa alinmang banal at anghel, at ang mukha ay nagliliwanag sa kanila na puno ng mabiyayang pag-ibig. Ang bawat sulyap sa buong di-mabilang na hukbo ng mga tinubos ay nakatitig sa Kanya, at namamalas ng bawat mata ang kaluwalhatian na “napinsalang lubha, halos hindi na anyo ng tao, na hindi makilalang tao, at ang kanyang hugis ay higit kaysa sa mga anak ng mga tao.” Sa ulo ng mga nagtagumpay ay ipapatong ni Jesus ng Kanyang sariling kamay ang putong na kaluwalhatian. Ang bawat isa ay may putong taglay ang kanyang “bagong pangalan,” (Apocalipsis 2:17), at ang ukit na “Banal sa Panginoon.” Sa bawat kamay ay ilalagay ang palma at kumikinang na alpa ng mananagumpay. At, sa pagkalabit ng mga namumunong anghel sa nota, ang bawat kamay ay may kasanayang tutugtog ng kanyang alpa, na pupukaw ng matamis na tugtugin sa mayayaman at malalamyos na himig ang bawat puso sa di-mabigkas na kagalakan, at bawat tinig ay magpapailanglang ng pasasalamat at papuri: “Doon sa umiibig sa atin, at nagpalaya sa atin mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang dugo; at ginawa tayong kaharian, mga pari sa kanyang Diyos at Ama; sumakanya ang kaluwalhatian at ang paghahari magpakailanpaman. Amen.” (Apocalipsis 1:5, 6.)— The Great Controversy. pp. 645, 646. PnL