Pauwi Na Sa Langit

335/364

Mga Hiyas Ng Diyos, Disyembre 2

Kaaawaan ko sila na gaya ng isang tao na naaawa sa kanyang anak na naglilingkod sa kanya. Malakias 3:17. PnL

Ang paningin ng Diyos na nakatunghay sa mga kapanahunan, ay nakatitig sa panganib na sasagupain ng Kanyang bayan, kapag naglakip-lakip na ang mga kapangyarihan sa lupa laban sa kanila. Gaya ng bihag na itinapon, mangangamba silang baka mamatay sila sa gutom o sa karahasan. Datapwat iyong Banal na humati sa Dagat na Pula sa harapan ng buong Israel ay magpapamalas ng Kanyang malakas na kapangyarihan at ibabalik sila mula sa pagkabihag. “Sila’y magiging Akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, sa araw na Aking gawin, sa makatuwid baga’y isang tanging kayamanan; at Akin silang kaawaan, na gaya ng isang tao na naaawa sa kanyang anak na naglilingkod sa kanya.” (Malakias 3:17.) Kung mabuhos ang dugo ng mga tapat na saksi ni Cristo sa panahong ito, hindi ito, katulad ng dugo ng mga martir na nauna, magiging gaya ng binhing inihasik upang magbunga para sa Diyos. Ang kanilang pagkamatapat ay hindi magiging isang patotoo pa upang hikayatin ang iba sa katotohanan, sapagkat naitaboy na ng matigas na puso ang mga alon ng kaawaan na anupa’t ayaw nang magbalik pa kailanman. Kung ang mga matuwid ay pababayaan ngayong mapasakamay ng kanilang mga kalaban, magiging pagwawagi ito ng prinsipe ng kadiliman. . . . PnL

Kapag ang proteksyon ng batas ng tao ay binawi na sa mga nagpaparangal sa kautusan ng Diyos, magkakaroon, sa iba’t ibang lupain, ng sabay-sabay na kilusan upang sila’y ipahamak. Habang papalapit ang takdang panahon ayon sa kapasyahan, magsasabuwatan ang mga tao upang wasakin ang kinapopootang sekta. Ipapasyang gagawin sa gabi ang isang pangwakas na dagok na siyang magpapatahimik sa tinig ng pagtutol at pagsansala. PnL

Ang bayan ng Diyos—ang ilan ay nasa bilangguan, at ang iba ay nagkukubli sa mga ilang na dako ng kagubatan at kabundukan—ay namamanhik pa rin sa Diyos na sila’y ingatan, samantalang sa lahat ng dako ay pulu-pulutong na mga taong sandatahan, sa udyok ng mga hukbo ng masasamang anghel, ang naghahanda sa gawang pagpatay. Sa oras na iyon ng matinding kagipitan ay mamamagitan ang Diyos ng Israel sa ikaliligtas ng Kanyang hirang na bayan. . . . PnL

Kasabay ng mga tagumpay, pang-uuyam at panghahamak, ang mga pulutong pusikit na kadilimang mas malalim pa sa kadiliman ng gabi, ang bumalot sa lupa. Pagkatapos, isang bahagharing nagniningning sa kaluwalhatiang nagmumula sa trono ng Diyos ang gumuhit nakapalibot sa mga langit at tila nakapalibot sa bawat pulutong na nananalangin. Biglang natigilan ang nagagalit na karamihan. Ang kanilang mga sigaw ng pag-uyam ay naparam. Nalimutan nila ang layunin ng kanilang galit na nakamamatay. Tiningnan nilang may hilakbot ang tanda ng tipan ng Diyos, at ninais nilang makanlong mula sa makapangyarihang liwanag nito.— The Great Controversy , pp. 634-636. PnL