Pauwi Na Sa Langit

336/364

Ang Sigaw Ng Tagumpay, Disyembre 3

Ito'y ating Diyos; hinintay natin Siya at ililigtas Niya tayo. Isaias 25:9 PnL

Ang bayan ng Diyos ay nakarinig ng isang malinaw at malamig na tinig, na nagsasabing: “Kayo’y tumingala,” at sa pagtingala nila sa langit ay nakita nila ang bahaghari ng pangako. Ang maitim at nagngangalit na ulap na tumatabing sa buong kalawakan ay nahawi at gaya ni Esteban ay tumingala sila sa langit, at kanilang nakita ang kaluwalhatian ng Diyos, at ang Anak ng tao na nakaupo sa Kanyang luklukan. Sa Kanyang banal na anyo ay natanaw nila ang mga bakas ng Kanyang kapakumbabaan at mula sa Kanyang mga labi ay narinig nilang iniharap Niya ang samo sa Ama at sa Kanyang mga banal na anghel: “Ama, nais Kong ang mga ibinigay Mo sa Akin ay makasama Ko kung saan Ako naroroon.” (John 17:24.) Muling narinig ang isang tinig, na may himig at tagumpay, na nagsasabing: “Sila’y dumarating! banal, walang kasamaan, at walang dungis. Iningatan nila ang salita ng Aking pagtitiis kaya’t sila’y lalakad sa gitna ng mga anghel;” at ang namumutla at nanginginig na mga labi ng mga matibay na nanghawak sa kanilang pananampalataya ay sumigaw ng tagumpay. PnL

Hatinggabi ang paghahayag ng Diyos ng Kanyang kapangyarihan sa pagliligtas sa Kanyang bayan. Nagpapakita ang araw na sumisikat sa kaliwanagan nito. Madaling nagsusunud-sunod ang mga tanda at kababalaghan. Ang mga makasalanan ay may pangingilabot at pagkamanghang nakatingala sa panoorin, samantalang minamasdan ng mga matuwid nang may banal na katuwaan ang mga tanda ng kanilang pagkaligtas. Ang bawat bagay sa kalikasan ay tila lisya sa kanyang daan. Tumigil sa pagdaloy ang mga batis. Ang maitim at makakapal na ulap ay naglutangan at nagbungguan sa isa’t isa. Sa gitna ng nagngangalit na langit ay may isang puwang na hindi sukat mailarawan ang karilagan, na mula roon ay lumalabas ang tinig ng Diyos na tulad sa lagaslas ng maraming tubig, na nagsasabing: “Naganap na.” (Apocalipsis 16:17.) PnL

Ang tinig na iyan ay yumanig sa langit at sa lupa. Nagkaroon ng isang malakas na lindol, na “hindi nangyari kailan man mula nang magkaroon ng tao sa lupa, isang napakalakas na lindol.” (Mga talatang 17, 18.) Ang kalawakan ay waring nahawi at nagdaop. Ang kaluwalhatiang nagmumula sa luklukan ng Diyos ay kumislap na mandin. Ang mga bundok ay umugang gaya ng tambong hinahampas ng hangin, at matatalas na mga bato ay napapahagis sa lahat ng dako. May narinig na ugong na dumarating na tulad ng ugong ng bagyo. Ang dagat ay umalimbukay. May narinig na dagundong ng unos, na tulad ng tinig ng mga demonyong patungo sa kanilang gawaing paglipol. Ang ibabaw nito ay tumataas at bumababa gaya ng mga alon ng dagat. Ang ibabaw nito ay bumuka. Ang mga patibayan ay tila bumibigay. Nagsilubog ang kabit-kabit na mga bundok. Ang mga islang pinanahanan ay nangawala. Ang mga daungang naging tulad ng Sodoma sa katampalasanan ay nilamon ng nagngangalit na tubig.— The Great Controversy, pp. 636, 637. PnL