Pauwi Na Sa Langit

333/364

Tagumpay Sa Malaking Tunggalian, Nobyembre 30

At makikita nila ang Kanyang mukha at ang Kanyang pangalan ay masusulat sa kanilang mga noo. Apocalipsis 22:4. PnL

Datapwat dito pa man ay maaaring magkaroon ang mga Cristiano ng kaligayahan sa pakikipag-usap kay Cristo; maaaring tanggapin nila ang liwanag ng Kanyang pag-ibig, ang di-lumilipas na kaaliwan ng Kanyang pakikiharap. Bawat hakbang sa kabuhayan ay makapaglalapit sa atin lalo kay Jesus, makapagdudulot sa atin ng lalong taimtim na karanasan sa Kanyang pag-ibig, at mailalapit tayo ng isang hakbang sa pinagpalang tahanan ng kapayapaan. . . . PnL

Hindi natin maiiwasan ang pagtingin sa mga bagong bagabag sa dumarating na paglalabanan, datapwat makatitingin tayo sa nakaraan at gayundin sa darating at makapagsasabing: “Hanggang dito’y tinulungan tayo ng Panginoon.” “Kung paano ang iyong mga araw ay gayon nawa ang iyong lakas.” (1 Samuel 7:12; Deuteronomio 33:25.) Ang pagsubok ay hindi hihigit sa lakas na ibibigay sa atin upang ito’y mabata. Kung gayo’y gawin natin ang ating gawain saanman natin masumpungan ito, at sumampalataya tayong anuman ang dumating, ay bibigyan tayo ng lakas na kasukat ng pagsubok. PnL

At balang araw ay bubuksan ang mga pintuan ng kalangitan upang tanggapin ang mga anak ng Diyos, at mula sa mga labi ng Hari ng kaluwalhatian ay mamumutawi ang pagpapalang aabot sa kanilang mga pakinig, gaya ng pinakamasarap na himig: “Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkatatag ng sanlibutan.” (Mateo 25:34.) PnL

Sa gayo’y magalak na tatanggapin ang mga tinubos sa tahanang inihahanda ngayon ni Jesus. Doon ang makakasama nila’y hindi ang mga hamak na tagalupa, mga sinungaling, mapakiapid, marurumi, at hindi sumasampalataya sa Diyos; kundi ang makakasama nila’y iyong mga dumaig kay Satanas, at sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, ay nagkaroon ng sakdal na likas. Bawat hilig sa pagkakasala, bawat kapintasang nagpapahirap sa kanila sa lupang ito, ay inalis na ng dugo ni Cristo, at ang kasakdalan at kaliwanagan ng Kanyang kaluwalhatian na mas higit sa liwanag ng araw, ay ibinigay sa kanila. At ang kagandahang moral, ang kasakdalan ng Kanyang likas, ay nagliliwanag sa kanila, na sa kahalagahan ay lalong higit sa karilagan kaysa kanilang kaluwalhatian. Sila’y mga walang kapintasan sa harapan ng dakila at maputing trono, na nakikibahagi sila sa karangalan at karapatan ng mga anghel. PnL

Sa harap ng maluwalhating mana na matatamo ay “ano ang ibibigay ng tao na katumbas ng kanyang buhay?” (Mateo 16:26.) Maaaring siya’y dukha, ngunit siya’y may hawak na isang kayamanan at karangalang hindi kailanman maibibigay ng sanlibutan. Ang kaluluwang natubos at nalinis sa mga kasalanan, at ang mararangal niyang kapangyarihang itinalaga na sa paglilingkod sa Diyos, ay walang kapantay ang kahalagahan; at may kagalakan sa langit sa harapan ng Diyos at ng mga banal na anghel, dahil sa isang kaluluwang natubos, isang kagalakang binibigkas sa pamamagitan ng mga awit ng banal na tagumpay.— Steps To Christ, pp. 125, 126. PnL