Pauwi Na Sa Langit

326/364

Naakit Sa Katotohanan Ang Mga Estadista, Nobyembre 23

At kakaladkarin nila kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, upang magpatotoo sa kanila at sa mga Hentil. Mateo 10:18. PnL

Kapag lumulubha na ang pagsalungat, ang mga lingkod ng Diyos ay muling magugulumihanan; sapagkat sa palagay nila'y sila ang nagdala ng kasakunaan. Datapwat ang kanilang budhi at ang salita ng Diyos ay kapwa magpapatotoong tumpak ang kanilang ginagawa; at bagaman magpapatuloy ang mga pagsubok, ay palalakasin naman sila upang mabata ang mga iyon. Ang labanan ay lumalala at humihigpit, datapwat ang kanilang pananampalataya at tapang ay makikipantay sa kagipitan. Ang kanilang patotoo ay: “Hindi namin mapakikialaman ang salita ng Diyos, na hatiin namin ang Kanyang banal na kautusan; na tawaging mahalaga ang isang bahagi at walang halaga ang isa, upang lingapin lang kami ng sanlibutan. Ang Panginoong aming pinaglilingkuran ay makapagliligtas sa amin. Dinaig ni Cristo ang lahat ng kapangyarihan sa lupa, at katatakutan ba namin ang isang sanlibutang dinaig na?” PnL

Ang pag-uusig, sa iba't ibang anyo, ay bunga ng isang simulainng mananatili hanggang nabubuhay si Satanas at hanggang may lakas naman ang pananampalatayang Cristiano. Walang makapaglilingkod sa Diyos na hindi babakahin ng mga hukbo ng kadiliman. Siya'y dadaluhungin ng masasamang anghel na nangababalisa sapagkat inaagaw ng kanyang kabuhayan at halimbawa ang kanilang bihag na hawak-hawak na nila. Ang masasamang tao na sinasansala ng kanyang kabuhayan, ay makikilakip sa masasamang anghel upang ilayo siya sa Diyos sa pamamagitan ng mga nakahahalinang tukso. At kapag hindi ito manaig gagamit naman sila ng lakas upang pilitin ang kanyang konsensya. PnL

Ngunit hanggang nananatili si Jesus bilang Tagapamagitan sa santuwaryo sa itaas, ang pumipigil na impluwensya ng Banal na Espiritu ay mararamdaman ng mga pinuno at tao. Kinokontrol pa rin nito ang ilang mga batas ng lupain. Kung hindi dahil sa mga kautusang ito, ang kalagayan ng mundo ay mas masahol kaysa ngayon. Habang ang marami sa ating mga pinuno ay aktibong ahente ni Satanas, mayroon din namang mga manggagawa ang Diyos sa mga pinuno ng bansa. Ang kaaway ay gumagalaw sa kanyang mga lingkod upang magmungkahi ng mga hakbang na labis na pumipigil sa gawain ng Diyos; ngunit ang mga estadista na natatakot sa Panginoon ay naiimpluwensyahan ng mga banal na anghel upang salungatin ang nasabing mga panukala na may mga di-masasalungatang argumento. Sa gayon ang ilang mga tao ay pipigil sa malakas na hatak ng kasamaan. Ang pagsalungat ng mga kaaway ng katotohanan ay mapipigilan, na ang ikatlong mensahe ay maaaring gawin ang gawain nito. Kapag ang huling babala ay ibibigay, makukuha nito ang atensyon ng mga pinuno na kung saan ang Panginoon ay gumagawa ngayon, at ang ilan sa kanila ay tatanggapin ito, at tatayo kasama ang bayan ng Diyos sa oras ng kaguluhan.— The Great Controversy, pp. 610, 611. PnL