Pauwi Na Sa Langit

325/364

Naihayag Ang Mga Kasalanan Ng Babilonia, Nobyembre 22

Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating na aking parurusahan ang mga larawang inanyuan ng Babilonia; ang kanyang buong lupain ay mapapahiya. Jeremias 51:47. PnL

Sa ganyan ay maipangangaral ang pabalita ng ikatlong anghel. Kapag dumating na ang kapanahunan upang ito’y iaral na may buong kapangyarihan, ay gagawa ang Panginoon sa pamamagitan ng mga mapagpakumbabang tao, at papatnubayan Niya ang mga pag-iisip niyaong nagtalaga ng kanilang sarili sa Kanyang gawain. Ang pagkakaloob Niya ng Kanyang Espiritu sa mga manggagawa ay siyang mag-aangkop sa kanila sa paggawa, hindi ang pagkapag-aral nila sa mga paaralan. Ang mga taong may matitibay na pananampalataya at mga mapanalanginin ay mapipilitang yumaong dala ang banal na kasiglahan, na ipinahahayag ang mga salitang sa kanila’y sinabi ng Diyos. Ang mga kasalanan ng Babilonia ay mahahayag. Ang mga katakut-takot na ibubunga ng sapilitang pagpapasunod sa mga ipinagaganap ng iglesya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pamahalaan, ang sapilitang pagpasok ng espiritismo, ang lihim ngunit mabilis na pagsulong ng kapangyarihang makapapa—ang lahat ng ito’y pawang malalantad. Sa mga taimtim na babalang ito’y makikilos ang mga tao. Libulibo ang makikinig na hindi pa nakapakinig kailanman noong una ng mga salitang katulad nito. Sa kanilang panggigilalas ay mapapakinggan nila ang patotoong ang Babilonia ay siyang iglesyang nabagsak dahil sa kanyang mga kamalian at mga kasalanan, sa dahilang tinanggihan niya ang katotohanang ipinadala ng langit. Sa paglapit ng mga tao sa unang mga tagapagturo nila, na buong may pananabik na nagsisiyasat, Tunay ba ang mga ito? Ang mga ministro ay naghaharap ng mga katha-katha at nanghuhula ng mga kaaya-ayang bagay, upang mapayapa ang mga pangamba ng mga tao, at mapatahimik ang nagising nilang budhi. Ngunit palibhasa’y marami ang tumangging masiyahan sa patunay ng mga tao lang, at mapilit na humihiling sila ng, “Ganito ang sinasabi ng Panginoon,” ang kilalang ministeryo, tulad ng mga Fariseo noon, napuno ng galit dahil sa nausisa nilang awtoridad, ay hahatulan na ang pabalitang ito’y mula kay Satanas, at kikilusin nila ang karamihang maibigin sa kasalanan upang tuyain at usigin iyong nagpapahayag nito. PnL

At sa pag-abot sa mga bagong bukiran ng pagtutunggalian, at ang mga pag-iisip ng mga tao ay nababaling sa malaong niyurakang kautusan ng Diyos, si Satanas ay maliligalig. Ang kapangyarihang umalalay sa pabalita ay makapagpapagalit lang sa mga nagsisisalungat dito. Ang mga pari, mga ministro ay gagamit ng buong pagsisikap upang maikubli ang ilaw, baka ito’y magliwanag sa kanilang mga kawan. Sa lahat ng paraang magagawa nila ay kanilang sisikaping mapigil ang pagtatalo hinggil sa mahahalagang suliraning ito. Ang iglesya ay mananawagan sa malakas na bisig ng kapangyarihan ng pamahalaan, at sa gawang ito’y magtutulungan ang mga Katoliko at mga Protestante. Kapag mahigpit na at marahas na ang kilusan tungkol sa pagpipilit na ipangilin ang Linggo, ay maglalagda ng utos laban sa sumusunod sa mga utos ng Diyos. Sila’y babalaang pagmumultahin at ibibilanggo, ang ilan ay dudulutan ng mga may impluwensyang tungkulin, at ang iba ay mga gantimpala at mga bentaha, bilang pag-akit upang talikdan ang kanilang pananampalataya. Datapwat ang matibay na tugon nila ay, “Ipakita ninyo sa amin sa Banal na Kasulatan ang aming kamalian”— The Great Controversy, pp. 606, 607. PnL