Pauwi Na Sa Langit
Panatilihing Nakatingin Ang Mga Mata Kay Cristo, Enero 28
Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, maraming mga propeta at mga taong matuwid ang naghangad na makita ang inyong nakikita, ngunit hindi nila nakita. Mateo 13:17. PnL
Ang mga babala ng salita ng Diyos tungkol sa mga panganib na nakapaligid sa iglesyang Cristiano ay nauukol sa atin ngayon. Gaya nang mga araw ng mga apostol na sinubukang sirain ng mga tao ang pananampalataya sa mga Kasulatan sa pamamagitan ng tradisyon at pilosopiya, gayundin sa ngayon, sa pamamagitan ng magiliw na damdamin ng mataas na kritisismo, ebolusyon, espirituwalismo, theosophy, panteismo, ang kaaway ng katuwiran ay naghahangad na ihatid ang mga kaluluwa sa mga ipinagbabawal na landas. Para sa marami, ang Biblia ay gaya ng isang lamparang walang langis, dahil inilihis nila ang kanilang mga kaisipan sa lagusan ng haka-hakang paniniwalang nagdadala ng di-pagkakaunawaan at pagkakagulo. Ito’y pagnanakaw sa salita ng Diyos ng kapangyarihang sumupil, magpabangon, at magbigay-inspirasyon sa buhay ng mga tao. PnL
Ang mga tagasunod ni Cristo ay haharap sa mga “ mapandayang salita” na ibinababala ng mga apostol sa mga mananampalataya sa Colosas. Makahaharap sila sa mga espiritismong interpretasyon ng mga Kasulatan, ngunit hindi nila dapat tanggapin ang mga ito. Ang kanilang mga tinig ay dapat marinig sa isang malinaw na pagsang-ayon sa mga walang hanggang katotohanan ng mga Kasulatan. Sa pagtuon ng kanilang mga paningin kay Cristo, sila’y dapat kumilos nang matatag pasulong sa mga tinandaang daanan, na iwinawaksi ang lahat ng mga ideyang hindi kaayon sa Kanyang turo. Ang katotohanan ng Diyos ay dapat maging paksa ng kanilang pagmumuni-muni at pagbubulay-bulay. Dapat nilang isaalang-alang ang Biblia bilang tinig ng Diyos na direktang nagsasalita sa kanila. Kaya masusumpungan nila ang karunungang makalangit. PnL
Ang kaalaman sa Diyos na inihayag kay Cristo ay ang kaalamang dapat tamuhin ng lahat ng naligtas. Ito ang kaalamang gumagawa ng pagbabago sa karakter. Kapag tinanggap ito sa buhay, muli nitong lilikhain sa kaluluwa ang larawan ni Cristo. Ito ang kaalamang inaasahan ng Diyos na tatanggapin ng Kanyang mga anak, maliban dito lahat ng iba pa ay walang kabuluhan at walang saysay. PnL
Sa bawat henerasyon at sa bawat lupain, ang tunay na pundasyon ng pagtatayo ng karakter ay ganoon pa rin—ang mga prinsipyong nilalaman ng salita ng Diyos. Ang tanging ligtas at siguradong pamantayan ay, “Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid,” at “siyang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi matitinag magpakailanman.” (Awit 19:8; 15:5.) Sa pamamagitan ng paggamit ng salita ng Diyos, sinagot ng mga apostol ang mga maling teorya sa kanilang kapanahunan.— The Acts of the Apostles, pp. 474, 475. PnL