Pauwi Na Sa Langit
Itinanim Na Biyaya, Nobyembre 5
Kaya't pasakop kayo sa Diyos, labanan ninyo ang diyablo, at siya ay lalayo sa inyo. Santiago 4:7. PnL
Ang biyayang itinatanim ni Cristo sa kaluluwa ay siyang lumilikha sa tao ng pakikialit laban kay Satanas. Kung wala ang humihikayat na biyaya at bumabagong kapangyarihan, ang tao ay mananatiling bihag ni Satanas, isang alipin na laging handang gumawa ng kanyang ipag-uutos. Datapwat ang bagong simulain sa kaluluwa ay lumilikha ng labanan sa dati-dati ay kinaroroonan ng kapayapaan. Ang kapangyarihang ibinigay ni Cristo ay nakatulong sa tao na lumaban sa malupit at mapanggaga. Sinumang nakikitang nasusuklam sa kasalanan sa halip na umibig dito, sinumang lumaban at nanagumpay sa mga pusok ng damdaming naghahari sa kalooban, ay nagpapakilala ng paggawa ng isang simulaing ganap na mula sa itaas. PnL
Ang paglalabanang naghahari sa espiritu ni Cristo at sa espiritu ni Satanas ay nahayag sa kapuna-punang paraan sa ginawang pagtanggap ng sanlibutan kay Jesus. Hindi dahilan ang pagkahayag niyang walang yaman sa sanlibutan, walang gilas, ni karangalan, kung kaya itinakwil Siya ng mga Judio. Nakita nilang mayroon Siyang kapangyarihang higit na makapagpupuno sa kakulangan ng mga panlabas na kalamangan. Datapwat ang kadalisayan at kabanalan ni Cristo ang siyang naging dahilan na ikinapoot ng mga makasalanan sa Kanya. Ang Kanyang kabuhayan ng pagtanggi sa sarili at pagtatalagang walang bahid ng kasalanan, ay isang namamalaging pagsaway sa isang palalo at mahalay na bayan. Ito ang kumilos ng kanilang pagkapoot laban sa anak ng Diyos. Si Satanas at ang masasamang anghel ay nakisama sa masasamang tao. Ang lakas ng buong hukbong tumalikod ay nagbangon ng paghihimagsik laban sa Tagapagtanggol ng katotohanan. PnL
Ang pakikipag-alit ding iyan ay nahahayag laban sa mga sumusunod kay Cristo, katulad ng pagkahayag laban sa kanilang Panginoon. Ang sinumang nakakikita ng kasuklam-suklam na likas ng kasalanan, at sa pamamagitan ng lakas na mula sa itaas ay nakikipag-laban sa tukso, ay walang pagsalang makagigising sa pagkapoot ni Satanas at ng kanyang mga kampon. Ang pagkapoot sa malilinis na simulain ng katotohanan, at ang paghamak at pag-uusig sa mga nagsisipagtanggol dito, ay mananatili habang nananatili ang kasalanan at makasalanan. Ang mga alagad ni Cristo at ang mga alipin ni Satanas ay hindi magkakaisa. Ang kinatitisuran sa krus ay nananatili pa. “Ang lahat ng ibig mabuhay na may kabanalan kay Cristo Jesus ay mangagbabata ng pag-uusig.” (2 Timoteo 3:12.). . . PnL
Habang sinisikap ni Satanas na sisihin ang Diyos, gayundin ang kanyang mga ahente na hinahangad na mapahamak ang bayan ng Diyos. Ang espiritung pumatay kay Cristo ang nagtutulak sa mga masama upang sirain ang Kanyang mga tagasunod. Ang lahat ng ito’y itinatangi sa unang hula na: “Maglalagay ako ng poot sa pagitan mo at ng babae, at sa pagitan ng iyong binhi at ng kanyang binhi.” At ito’y magpapatuloy sa malapit na pagtatapos ng oras.— The Great Controversy , pp. 506, 507. PnL