Pauwi Na Sa Langit
Walang Gawang Kasalanan Kung Hindi Pahihintulutan, Nobyembre 6
Ang sinumang nananatili sa Kanya ay hindi nagkakasala. 1 Juan 3:6. PnL
Ang lahat ng mga hindi nagpasyang tagasunod ni Cristo ay mga lingkod ni Satanas. Sa hindi nabagong puso ay may pagmamahal sa kasalanan at isang disposisyong mahalin at ipagpaumanhin ito. Sa nabagong puso ay may pagkapoot sa kasalanan at determinadong pagtutol laban dito. Sa tuwing pinipili ng mga Cristiano ang lipi ng mga masama at di-mananampalataya, ay kanilang inihahayag ang kanilang sarili sa tukso. Itinatago ni Satanas ang kanyang sarili at palihim na isinasagawa ang kanyang panlilinlang na tumatakip sa kanilang mga mata. . . . PnL
Samantalang palaging sinisikap ni Satanas, na bulagin ang mga pag-iisip ng mga Cristiano sa tunay na nangyayari, ay hindi nila dapat limutin na sila’y nakikipagbaka “hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pinuno, laban sa mga may kapangyarihan, laban sa mga kapangyarihang di-nakikita na naghahari sa sanlibutan sa kadilimang ito, laban sa hukbong espirituwal ng kasamaan sa kalangitan.” (Efeso 6:12, margin.) Ang kinasihang babala ay tumataginting sa lahat ng panahon hangga ngayon: “Kayo’y maging mapagpigil, kayo’y maging mapagpuyat; ang inyong kaaway na diyablo na gaya ng liyong umuungal ay gumagalang humahanap ng masisila niya.” (1 Pedro 5:8.) “Isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma ng Diyos upang kayo’y makatagal laban sa mga pakana ng diyablo.” (Efeso 6:11.) PnL
Mula nang mga kaarawan ni Adan hanggang sa panahon natin, ang ating malakas na kalaban ay gumagamit ng kanyang kapangyarihan upang magpahirap at lumipol. Naghahanda siya ngayon para sa kahuli-hulihan niyang paggawa laban sa iglesya. Ang lahat ng sumusunod kay Jesus ay mapapasubo sa pakikilaban sa walang habag na kalabang ito. Sa lalo at lalong pagtulad ng Cristiano sa banal ng Huwaran, lalo namang hindi sasalang siya’y magiging tudlaan ng mga pagsalakay ni Satanas. Ang lahat ng masiglang gumagawa sa gawain ng Diyos, na nagsisikap alisan ng tabing ang mga pandaya ng isang masama at iharap si Cristo sa mga tao, ay makapagpapatotoong gaya ni Pablo, nang sabihin niya ang tungkol sa paglilingkod sa Panginoon ng buong kaamuan ng pag-iisip, na may pagluha at mga tukso. PnL
Si Cristo ay sinalakay ni Satanas ng kanyang pinakamabagsik at pinakamarayang mga tukso; datapwat dinaig siya sa bawat paghahamok. Isinagawa ang mga pagbabakang iyon alang-alang sa atin; ang mga tagumpay na iyon ay nagpaaring tayo’y managumpay. Si Cristo ay nagbibigay ng lakas sa lahat ng humahanap ng lakas. Sinuman ay hindi madadaig ni Satanas kung hindi siya papayag. Ang manunukso ay walang kapangyarihang maghari sa kalooban o pilitin kaya ang tao na magkasala. Maaaring siya’y pumighati datapwat hindi siya maaaring dumungis. Maaaring magbigay dalamhati siya, ngunit hindi karumihan. Ang katunayan na si Cristo ay nanagumpay ay dapat magpasigla sa Kanyang mga alagad na makipagbakang may pagkalalaki sa kasalanan at sa kay Satanas.— The Great Controversy, pp. 508, 510. PnL