Pauwi Na Sa Langit

294/364

Mga Salita Ng Pagsang-Ayon, Oktubre 22

Magaling! Mabuti at tapat na alipin; . . . Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon. Mateo 25:23. PnL

Lahat ng mga inianak sa sambahayan ng langit ay mga kapatid ng ating Panginoon sa isang tanging diwa. Binibigkis ng pag-ibig ni Cristo ang mga kaanib ng Kanyang sambahayan, at saanman nakikita ang pag-ibig na iyan, ay doon nahahayag ang banal na pagkakapatiran. “Ang bawat umiibig ay ipinanganak ng Diyos, at nakakakilala sa Diyos.” (1 Juan 4:7.) PnL

Silang pinapupurihan ni Cristo sa paghuhukom ay maaaring may kaunting nalalaman tungkol sa teolohiya ngunit minahal nila ang Kanyang mga simulain. Sa pamamagitan ng impluwensiya ng Espiritu ng Diyos, sila’y naging pagpapala sa mga nasa palibot nila. Maging sa gitna ng mga Hentil ay mayroong mga taong may diwa ng kagandahang-loob; bago pa man umabot sa kanilang mga pakinig ang mga salita ng buhay, ay kinaibigan na nila ang mga misyonero, at isinasapanganib pa ang buhay nila sa paglilingkod sa kanila. Sa gitna ng mga Hentil o mga pagano ay mayroong mga sumasamba sa Diyos nang buong kawalang-malay, iyong mga hindi inabot kailanman ng liwanag sa pamamagitan ng mga taong kinakasangkapan, gayunpaman ay hindi sila mapapahamak. Hindi man nila nalalaman ang nasusulat na kautusan ng Diyos, ay narinig naman nila ang tinig Niyang nagsasalita sa kanila sa pamamagitan ng katalagahan, at ginawa nila ang mga bagay na hinihingi ng kautusan. Ang mga gawa nila’y katunayang kinilos ng Banal na Espiritu ang kanilang mga puso, at sila’y kinikilalang mga anak ng Diyos. PnL

Kaylaki nga ng ipagtataka at ikaliligaya ng mga mapagpakumbabang-puso na nasa gitna ng mga bansa, at ng nasa gitna ng mga Hentil o mga pagano, kung marinig nila sa mga labi ng Tagapagligtas ang pangungusap na, “Yamang inyong ginawa sa isa rito sa Aking mga kapatid kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa Akin ninyo ginawa”! Gaano nga kalaking kaligayahan ang mapasasapuso ng Walang Hanggang Diyos pagka ang Kanyang mga tagasunod ay mapatingalang taglay ang pagkakamangha at kagalakan sa mga salita Niya ng pagsang-ayon. PnL

Datapwat ang pag-ibig ni Cristo ay hindi iniuukol sa iisang uri lang ng mga tao. Nakikisama Siya sa bawat anak ng tao. Upang tayo’y maging mga kaanib ng sambahayan sa langit, Siya muna ay nakianib sa sambahayan sa lupa. Siya ang Anak ng tao, at kaya nga Siya’y kapatid ng bawat anak na lalaki at anak na babae ni Adan. Hindi dapat madama ng mga sumusunod sa Kanya na sila’y nakabukod o nakahiwalay sa mapapahamak na sanlibutang nasa palibot nila. Sila’y isang bahagi ng malaking bunton ng sangkatauhan; at ang tingin sa kanila ng Langit ay sila’y mga kapatid ng mga makasalanan at gayundin ng mga banal. Ang mga nadarapa, mga nagkakamali, at ang nagkakasala, ay niyayakap ng pag-ibig ni Cristo; at ang bawat gawa ng kagandahang-loob na ginagawa upang maitaas o maibangon ang isang kaluluwang nadapa o nabuwal, at ang bawat gawang kahabagan, ay tinatanggap na parang sa Kanya ginawa.— The Desire Of Ages, p. 638. PnL