Pauwi Na Sa Langit

289/364

Ang Pamantayan Ng Paghuhukom, Oktubre 17

Kaya't magsalita kayo at kumilos na gaya ng mga taong hahatulan sa pamamagitan ng kautusan ng kalayaan. Santiago 2:12. PnL

Ang bawat gawa ng tao ay sinusuri sa harap ng Diyos, at itinatala kung ukol sa pagtatapat o sa di-pagtatapat. Katapat ng bawat pangalan sa mga aklat ng langit ay itinatala, na nakapangingilabot na walang kulang ang bawat masamang salita, bawat masakim na gawa, bawat tungkuling di-ginanap, at lihim na kasalanan, kasama ang bawat ikinubling pandaraya. Ang mga babala o pagsumbat ng langit na niwalang kabuluhan, ang mga panahong inaksaya, ang di-sinamantalang mga pagkakataon, ang impluwensyang nakagawa nang masama o nang mabuti, kalakip ang malalaking ibinunga nito, ay pawang itinatala ng anghel na tagasulat. PnL

Ang kautusan ng Diyos ay siyang pamantayan na sa pamamagitan nito’y susubukin ang mga likas at kabuhayan ng mga tao sa paghuhukom. Sinabi ng pantas: “Ikaw ay matakot sa Diyos, at sundin mo ang Kanyang mga utos sapagka’t ito ang buong katungkulan ng tao. Sapagka’t dadalhin ng Diyos ang bawat gawa sa kahatulan.” (Eclesiastes 12:13, 14.) Pinapayuhan ni apostol Santiago ang kanyang mga kapatid na, “Gayon ang inyong salitain at gayon ang inyong gawin, na gaya ng mga taong huhukuman sa pamamagitan ng kautusan ng kalayaan.” (Santiago 2:12.) PnL

Sa paghuhukom, iyong mga “inaaring karapat-dapat” ay magkakaroon ng bahagi sa pagkabuhay na mag-uli ng mga banal. Ang wika ni Jesus, “Ang mga inaaring karapat-dapat magkamit ng sanlibutang Iyon, at ng pagkabuhay na mag-uli sa mga patay, ay . . . kahalintulad ng mga anghel; at sila’y mga anak ng Diyos, palibhasa’y mga anak ng pagkabuhay na mag-uli.” (Lucas 20:35, 36.) At muling ipinahahayag Niyang “ang mga nagsigawa ng mabuti” ay babangon sa “pagkabuhay na mag-uli sa buhay.” (Juan 5:29.) Ang mga patay na banal ay hindi babangon hanggang sa matapos ang paghuhukom, na sa pamamagitan nito’y aariin silang karapat-dapat sa “pagkabuhay na mag-uli sa buhay.” Dahil dito sila’y hindi mahaharap sa hukuman sa pagsisiyasat sa kanilang mga ulat at sa pagpapasya sa mga kaso nila. PnL

Si Jesus ay tatayong kanilang Tagapamagitan, upang mamanhik ukol sa kanila sa harapan ng Diyos. “Kung ang sinuman ay magkasala ay may Tagapamagitan tayo sa Ama, si Jesu-Cristo ang matuwid.” (1 Juan 2:1.) “Sapagka’t hindi pumasok si Cristo sa dakong banal na ginawa ng mga kamay, na kahalintulad lamang ng tunay; kundi sa talagang langit, upang humarap ngayon sa harapan ng Diyos dahil sa atin.” “Dahil dito naman Siya’y nakapagliligtas na lubos sa mga nagsisilapit sa Diyos sa pamamagitan Niya, palibhasa’y laging nabubuhay Siya upang mamagitan sa kanila.” (Hebreo 9:24; 7:25.)— The Great Controversy, p. 482. PnL