Pauwi Na Sa Langit

288/364

Bago Ang Matanda Sa Mga Araw, Oktubre 16

At narito, ang isang gaya ng Anak ng tao na dumarating kasama ng mga ulap. At Siya'y lumapit sa Matanda sa mga Araw, at iniharap sa kanya. Daniel 7:13. PnL

Iniharap sa pangitain ng propeta ang dakila at nakapangingilabot na araw, araw na pagsusuri ng mga likas at kabuhayan ng mga tao sa harap ng Hukom ng buong lupa, at ang bawat isa ay gagantihan ng “ayon sa kani-kanyang mga gawa.” Ang Matanda sa mga araw ay ang Diyos Ama. . . . Siya, na pinanggagalingan ng lahat ng may buhay, at pinagmumulan ng lahat ng kautusan, ang mangungulo sa paghuhukom. At ang mga banal na anghel, bilang mga tagapangasiwa at mga saksi, na ang bilang ay “makasampung libo na sampung libo,” ay humaharap sa dakilang hukumang ito. PnL

Siya’y [si Cristo] paparoon sa Matanda sa mga Araw sa langit upang tumanggap ng kapangyarihan at kaluwalhatian, at isang kaharian, na ibibigay sa Kanya pagkatapos ng Kanyang gawain bilang tagapamagitan. Ang paglabas na ito, at hindi ang Kanyang ikalawang pagparito sa lupa, ang ipinagpauna ng propesiya na mangyayari sa katapusan ng 2,300 araw noong 1844. Kasama ng mga anghel ng langit, ang ating Dakilang Saserdote ay pumasok sa kabanal-banalang dako, at doon ay humaharap Siya sa Diyos upang gawin ang kahuli-hulihan Niyang pangangasiwa alang-alang sa mga tao—upang isagawa ang masiyasat na paghuhukom, at upang gumawa ng pagtubos sa lahat ng napagkilalang nararapat sa mga kapakinabangang idinudulot nito. . . . Sa gayon ang mga sumunod sa liwanag ng makahulang salita ay nakita na, sa halip na dumating sa sanlibutan sa pagtatapos ng 2,300 ng 1844, si Cristo ay pumasok sa kabanal-banalang dako ng makalangit na santuwaryo upang ganapin ang pagtatapos na gawain ng pagtubos bilang paghahanda sa Kanyang pagdating. PnL

Nakita rin, na habang ang handog sa kasalanan ay tumuturo kay Cristo na isang sakripisyo, at ang punong saserdote na kumakatawan kay Cristo bilang Tagapamagitan, ang buntunan ng sisi ay inilalarawan si Satanas, ang may-akda ng kasalanan, na kung saan ang mga kasalanan ng mga tunay na nagsisisi ay sa kanya maibibigay. At kapag ang punong saserdote, sa pamamagitan ng kabutihan ng dugong handog para sa kasalanan, ay magtatanggal ng kasalanan sa santuwaryo ay ililipat ito sa kambing na pawawalan. At kapag si Cristo, sa pamamagitan ng kabutihan ng Kanyang sariling dugo, ay mag-aalis ng kasalanan ng Kanyang bayan sa makalangit na santuwaryo sa katapusan ng Kanyang pangangasiwa, Kanya itong ilalagay kay Satanas, na sa kahatulan ay siyang magdadala ng panghuling parusa. Ang pawawalang kambing ay ipadadala sa isang lugar na hindi pinaninirahan, nang hindi na makababalik sa kapisanan ng Israel. Kung kaya si Satanas ay mawawala sa presensya ng Diyos at Kanyang bayan, magpakailanman. At siya’y mabubura sa panghuling pagkawasak ng kasalanan at mga makasalanan.— The Great Controversy, pp. 479, 480, 422. PnL