Pauwi Na Sa Langit
Ang Panahon Ng Pagsubok, Oktubre 15
At kinuha ko ang maliit na aklat sa kamay ng anghel, at aking kinain; at sa aking bibig ay matamis na gaya ng pulot: at nang aking makain, ay pumait ang aking tiyan. Apocalipsis 10:10. PnL
Ang kalagayan ng mga walang pananampalatayang Judio ay naghahalimbawa sa mga walang ingat at ayaw manampalatayang mga taong nagbabansag na Cristiano, na kusang nagpapakamangmang tungkol sa gawain ng ating maawaing Dakilang Saserdote. Sa sumasagisag na paglilingkod kapag pumapasok ang dakilang saserdote sa kabanal-banalang dako, ang buong Israel ay kailangang magtipon sa palibot ng santuwaryo, at sa pinakataimtim na paraan ay papagpakumbabain ang kanilang mga puso sa harapan ng Diyos upang tanggapin nila ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, at huwag silang mawalay sa kapulungan. Gaano pa nga ang lalong kahalagahan ngayon sa Tunay na kaarawang ito ng Pagtubos na ating maunawaan ang gawain ng ating Dakilang Saserdote, at makilala ang mga tungkuling hinihiling sa atin. PnL
Hindi walang kaparusahang matatanggihan ng tao ang babala ng maawaing Diyos na ipinadala sa kanila. Isang pabalita ang ipinadala ng Diyos sa sanlibutan noong kaarawan ni Noe, at ang kaligtasan nila’y nasalig sa paraan ng kanilang pagtanggap sa pabalitang iyon. Sapagkat tinanggihan nila ang pabalita, ay inalis ang Espiritu ng Diyos sa kanila, at nangapahamak sila sa tubig ng Baha. . . . PnL
Ngunit si Cristo ay patuloy na namamagitan para sa sangkatauhan, at ang liwanag ay maibibigay sa mga naghahanap nito. Bagaman ito’y hindi agad naunawaan ng mga Adventista, ito’y ginawang malinaw tulad ng kasulatan na tumutukoy sa kanilang tunay na kalagayan na nagsimulang naipahayag sa kanila. PnL
Ang pagdaan ng panahon noong 1844 ay sinundan ng isang panahon ng napakalaking pagsubok sa mga nanatili sa pananampalatayang Adventismo. Ang pinakaaliw lang nila, sa pagkatiyak ng kanilang tunay na kalagayan, ay ang liwanag na umakay sa kanilang mga pag-iisip sa santuwaryo sa langit. Itinakwil ng ilan ang kanilang pananampalataya sa una nilang pagbilang ng mga panahon ng propesiya, at ikinapit nila sa tao o kay Satanas ang malakas na kapangyarihan ng Banal na Espiritu na siyang umantabay sa Kilusang Adventismo. Ang iba naman ay matibay na nanghawak sa paniwalang ang Panginoon ang siyang sa kanila ay umakay sa nakaraan nilang karanasan; at sa kanilang paghihintay, pagpupuyat, at pananalangin, upang makikilala ang kalooban ng Diyos, ay nakita nilang ang Dakilang Saserdote ay pumasok sa ibang pangangasiwa, at sa pagsunod nila sa Kanya sa pamamagitan ng pananampalataya, ay natagpuan nila ang pangwakas na gawain ng iglesya. Nagkaroon sila ng lalong malinaw na kaunawaan sa pabalita ng una at ikalawang anghel, at naghanda silang tumanggap at magbigay sa sanlibutan ng mahalagang babala ng ikatlong anghel sa Apocalipsis 14.— THE GREAT CONTROVERSY , pp. 430-432. PnL