Pauwi Na Sa Langit
Isang Larawan Ng Langit, Oktubre 4
Ngayon, maging ang unang tipan ay nagkaroon ng mga alituntunin sa pagsamba at ng isang panlupang santuwaryo. Hebreo 9:1. PnL
Ipinakita rin ang santuwaryo sa lupa na may dalawang bahagi. Ito’y pareho ng isa sa langit, at sinabi sa akin na ito’y larawan ng langit. Ang kagamitan sa unang bahagi ng santuwaryo sa lupa ay tulad ng sa unang bahagi ng makalangit na santuwaryo. Ang tabing ay itinaas, at aking tiningnan ang banal ng mga banal at nakitang ang kagamitan ay tulad sa kabanal-banalang dako sa makalangit na santuwaryo. Ang saserdote ay naglilingkod sa dalawang bahagi ng santuwaryo. Araw-araw siyang pumapasok sa unang bahagi, at isang beses sa isang taon naman sa pinakabanal na dako, upang ito’y malinis mula sa mga nadalang kasalanan dito. Nakita ko si Jesus na naglilingkod sa parehong bahagi ng makalangit na santuwaryo. Ang mga saserdote ay pumapasok sa makalupang santuwaryo na may dalang dugo ng isang hayop bilang handog para sa kasalanan. Si Cristo ay pumapasok sa makalangit na santuwaryo sa pamamagitan ng paghahandog ng Kanyang sariling dugo. Ang makalupang saserdote ay natatanggal ng kamatayan; kaya hindi sila nakapagpapatuloy nang matagal; ngunit si Jesus ay saserdote magpakailanman. Sa pamamagitan ng mga sakripisyo at handog na naidala sa santuwaryo sa lupa, makatatanggap ang mga anak ni Israel ng kabutihan ng darating na Tagapagligtas. At sa karunungan ng Diyos ay ibinigay sa atin ang mga detalye ng gawaing ito upang sa pagtingin natin sa mga ito ay maunawaan natin ang gawain ni Jesus sa makalangit na santuwaryo. Samantalang naghihingalo si Jesus sa Kalbaryo, Siya’y sumigaw, “Naganap na,” at nahati sa dalawa ang tabing sa templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Ito’y para ipakita na ang gawain sa santuwaryo sa lupa ay tapos na magpakailanman, at ang Diyos ay hindi na makikitagpo sa mga saserdote sa templo, upang tanggapin ang kanilang mga handog. Ang dugo ni Jesus ay nabuhos, na Kanya mismong ihahandog sa makalangit na santuwaryo. Gaya nang pagpasok ng saserdote sa kabanal-banalang dako minsan sa isang taon upang linisin ang santuwaryo sa lupa, ay siya ring pagpasok ni Jesus sa kabanal-banalang dako sa makalangit na santuwaryo, sa katapusan ng 2,300 na araw sa Daniel 8, noong 1844, bilang huling pagtubos para sa lahat ng maaaring makinabang sa tulong ng Kanyang pamamagitan, at sa gayo’y linisin ang santuwaryo. . . . PnL
Sa itaas ng dako kung saan tumayo si Jesus, sa harap ng kaban, ay may labis na maliwanag na kaluwalhatian na hindi ko kayang tingnan; lumilitaw itong parang luklukan ng Diyos. Habang umaakyat ang insenso sa Ama, dumating ang napakagandang kaluwalhatian mula sa luklukan ni Jesus, at mula sa Kanya, ito’y nabuhos sa mga taong ang mga panalangin ay umakyat na gaya sa mabangong insenso.— Early Writings, pp. 252, 253, 252. PnL