Pauwi Na Sa Langit

275/364

Sa Kabanal-Banalang Dako, Oktubre 3

Ngunit nang makapaghandog si Cristo ng isa lamang alay para sa mga kasalanan para sa lahat ng panahon, siya ay umupo sa kanan ng Diyos. Hebreo 10:12. PnL

Ang paksang tungkol sa santuwaryo ang susing nagbukas ng misteryo ng pagkabigo noong 1844. Ito ang nagpakita ng isang buong sistema ng katotohanang magkakaugnay at nagkakaisa, na nagpapakitang ang kamay ng Diyos ang siyang nanguna sa malaking kilusang adventismo, at naghahayag ng kasalukuyang tungkulin sa pamamagitan ng pagpapahayag nito sa kalagayan at gawain ng Kanyang bayan. Kung paanong ang mga alagad ni Jesus pagkatapos ng kakila-kilabot na gabi ng kanilang kapighatian at pagkabigo, ay “nagagalak nang makita nila ang Panginoon,” gayundin tumingin na may pananampalataya ang mga nagagalak ngayon para sa Kanyang ikalawang pagdating. Inasahan nila Siyang magpapakita sa kaluwalhatian upang bigyang kagantihan ang Kanyang mga lingkod. Sa pagkabigo ng kanilang mga pag-asa, nawala ang kanilang paningin kay Jesus, at tumangis silang kasama si Maria sa libingan: “Sapagkat kinuha nila ang aking Panginoon, at hindi ko alam kung saan nila Siya inilagay.” Ngayon, sa kabanal-banalang dako ay muli nila Siyang namasdan, ang kanilang mahabaging Punong Saserdote, na malapit nang magpakita bilang kanilang Hari at Tagapagligtas. Tinanglawan ng liwanag na galing sa santuwaryo ang panahong nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap. Nalalaman nilang inakay sila ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang di-nagkakamaling probidensya. Bagaman, gaya ng mga unang alagad, hindi nila naunawaan ang pabalitang kanilang inilaganap, gayunman ay tumpak ang pabalitang ito sa lahat ng kaparaanan. Sa kanilang pagpapahayag nito’y tinupad nila ang layunin ng Diyos, at ang kanilang gawain ay hindi walang kabuluhan sa Panginoon. Yamang ipinanganak na muli “sa isang buhay na pag-asa,” sila’y “nangatutuwang taglay ang kagalakang “di-masayod at puspos ng kaluwalhatian.” Ang hula sa Daniel 8:14, “Hanggang sa dalawang libo at tatlong daang hapon at umaga; pagkatapos ay malilinis ang santuwaryo,” at ang pabalita ng unang anghel: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay luwalhati sa Kanya; sapagka’t dumating na ang oras ng Kanyang paghuhukom,” ay kapwa tumukoy sa pangangasiwa ni Cristo sa kabanal-banalang dako, sa pagsusuri ng kabuhayan ng tao o paghuhukom, at hindi sa pagdating ni Cristo upang tubusin ang Kanyang bayan at lipulin ang mga makasalanan. Ang kamalian ay wala sa pagbilang ng mga propetikong panahon, kundi sa pangyayaring magaganap sa katapusan ng 2,300 araw. Dahil sa kamaliang ito, ay nagbata ng pagkabigo ang mga nananampalataya, datapwat ang lahat ng ipinagpauna ng propesiya at lahat ng pinatutunayan ng Kasulatan na inaasahan nila ay pawang nangyari. Noong mga sandaling sila’y nahahapis dahil sa pagkabigo ng kanilang mga pag-asa, ay natupad naman ang pangyayaring ipinagpauna ng pabalita, na kinakailangang matupad bago mahayag ang Panginoon upang magbigay ng gantimpala sa Kanyang mga lingkod.— The Great Controversy, pp. 423, 424. PnL