Pauwi Na Sa Langit

256/364

Ang Pamilya At Ang Mga Mahalagang Labanan, Setyembre 14

Ngunit ipinasiya ni Daniel na hindi niya durungisan ang sarili sa pamamagitan ng bahagi ng pagkaing mula sa hari o ng alak man na kanyang iniinom. Daniel 1:8. PnL

Mga magulang, tanungin ang inyong mga sarili ng taimtim na tanong na, “Naturuan ba namin ang aming mga anak na magpasakop sa makaamang awtoridad, at sa gayo’y nasanay silang sumunod sa Diyos, upang ibigin Siya, panghawakan ang Kanyang kautusan bilang pinakamataas na patnubay sa pag-uugali at buhay? Naturuan ba namin silang maging mga misyonero para kay Cristo? na humayong gumagawa ng mabuti?” Mga nananalig na mga magulang, kailangang makipagbaka ang inyong mga anak ng mahahalagang paglalaban para sa Diyos sa araw ng sagupaan; at habang nakakamit nila ang mga tagumpay ng Prinsipe ng Kapayapaan, maaari silang magtamo ng tagumpay sa kanilang mga sarili. Ngunit kung hindi pa sila nadadala sa pagkatakot sa Panginoon; kung wala pa silang kaalaman kay Cristo, walang koneksyon sa langit, wala silang magiging moral na kapangyarihan, at sila’y susuko sa makalupang mga pinuno na nagpalagay na itaas ang kanilang mga sarili na mas mataas pa sa Diyos ng langit sa pagtatatag ng di-totoong sabbath upang pumalit sa Sabbath ni Yahweh. Ang magiliw na awa ng kapangyarihang ito’y maipakikita sa mga preso at piitan. Ang mga paghahanda ay sumusulong, at ang mga paggalaw ay umuunlad, na magreresulta sa paggawa ng isang imahe sa hayop. Magaganap ang mga pangyayari sa kasaysayan ng mundo na tutupad ng mga hula ng propesiya sa mga huling araw na ito. PnL

Ang mga pagpapasya ay tatawagin at gagawin; ang mga nagsitalikod ay maaaring tunay na bumalik sa kanilang pagtatapat sa Diyos, o sila’y makakasama sa mga hanay ng kalaban: magkakaroon si Satanas ng kontrol sa lahat na tumatangging magpasakop sa kautusan ng Diyos. Hihimukin niya ang mga magulang na makipaglaban sa kanilang mga anak, at mga anak na makipaglaban sa kanilang mga magulang—na ipagkanulo at ihatid ang kanilang sariling sambahayan sa mga kaaway. Ang mga darating na kaganapan ay naglalagay ng kanilang mga anino sa ating daanan. Mga ama, mga ina, humihiling ako sa inyo na gumawa ng pinakamasigasig na pagsisikap ngayon para sa inyong mga anak. Bigyan sila ng pang-araw-araw na pagtuturo sa relihiyon. Turuan silang mahalin ang Diyos, at maging totoo sa mga prinsipyo ng tama. Sa matayog, matapat na pananampalataya, na pinangungunahan ng banal na impluwensya ng Banal na Espiritu, gumawa, gumawa na ngayon. Huwag nang ipagpaliban ito ng isang araw, isang oras. Turuan ang inyong mga anak na dapat masanay ang puso sa pagpipigil at pagtanggi sa sarili. Ang mga motibo ng buhay ay dapat na naaayon sa kautusan ng Diyos. Huwag masiyahan na lumaki ang inyong mga anak na hiwalay kay Cristo. Huwag maging komportable habang sila’y malamig at nagwawalang-bahala. Sumigaw sa Diyos araw at gabi. Manalangin at magtrabaho para sa kaligtasan ng mga kaluluwa ng iyong mga anak.— Review And Herald , April 23, 1889. PnL