Pauwi Na Sa Langit

239/364

Kayang Mapadali Ng Iglesya Ang Pagbabalik Ni Jesus, Agosto 28

Ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na pamumuhay at pagiging maka-Diyos, na hinihintay at pinagmamadali ang pagdating ng araw ng Diyos? 2 Pedro 3:11, 12. PnL

Ipinagkaloob ni Cristo sa iglesya ang isang banal na gawain. Bawat kaanib ay dapat na maging daluyan na sa pamamagitan niya ay maihahayag ng Diyos sa sanlibutan ang mga kayamanan ng Kanyang biyaya, ang hindi masaliksik na mga kayamanan ni Cristo. Walang higit pang ninanais si Cristo liban sa mga kinatawan Niyang maglalarawan sa sanlibutan ng Kanyang Espiritu at Kanyang likas. Wala nang higit pang kailangan ang sanlibutan kaysa mga pagpapahayag sa pamamagitan ng tao ng pag-ibig ng Tagapagligtas. Ang buong langit ay naghihintay para sa mga lalaki at babaing sa kanila ay maihahayag ng Diyos ang kapangyarihan ng Cristianismo. PnL

Ang iglesya ay ahensya ng Diyos sa paghahayag ng katotohanan, at pinagkalooban Niya ng kapangyarihang gumanap ng isang tanging gawain; at kung siya’y magiging tapat sa Kanya, masunurin sa Kanyang mga utos; mananahan sa gitna niya ang kagalingan ng banal na biyaya. Kung siya’y magiging tapat, at pararangalan ang Panginoong Diyos ng Israel, walang kapangyarihang maaaring magpagupo sa kanya. PnL

Ang sigasig para sa Diyos at sa Kanyang gawain ang nagpakilos sa mga alagad upang makapangyarihang magbigay ng pagsaksi sa ebanghelyo. Hindi ba gayong katulad na sigasig ang parang apoy na dapat lumukob sa ating mga puso upang magpasyang magbalita ng tumutubos na pag-ibig, ng tungkol kay Cristo at Siyang ipinako? Pribilehiyo ng bawat Cristiano na hindi lamang hintayin, kundi padaliin ang pagparito ng Tagapagligtas. PnL

Kung ang iglesya ay magbibihis ng damit ng katuwiran ni Cristo, na aalis sa anumang pakikipag-ugnayan sa sanlibutan, nasa harapan niya ang bukangliwayway ng maningning at maluwalhating araw. Ang pangako ng Diyos sa kanya ay maninindigan magpakailanman. Siya’y gagawin Niyang walang katapusang kagalingan, isang kagalakan ng maraming salinlahi. Ang katotohanan na dipinapansin at tinatanggihan, ay magtatagumpay. Bagaman sa ilang pagkakataon ay parang ito’y naaantala, gayunman ay hindi kailanman matitigil. Kapag ang mensahe ng Diyos ay nakatagpo ng oposisyon, pagkakalooban Niya ito ng dagdag na puwersa, upang makapagbigay pa ng higit na impluwensya. Taglay ang lakas ng langit, ito’y maglalagos sa pinakamalakas na sagabal at magtatagumpay sa bawat hadlang. PnL

Ano ang nagpanatili sa Anak ng Diyos sa Kanyang buhay ng paggawa at sakripisyo? Nakita Niya ang mga bunga ng paghihirap ng Kanyang kaluluwa at Siya’y nasiyahan. Sa pagtingin sa walang hanggan, nakita Niya ang kaligayahan nilang sa pamamagitan ng Kanyang kahihiyan ay napatawad at nagtamo ng walang hanggang buhay. Nadinig Niya ang sigaw ng tagumpay ng mga tinubos. Nadinig Niya ang mga tinubos na umaawit ng awit ni Moises at ng Kordero.— The Acts Of The Apostles, pp. 600, 601. PnL