Pauwi Na Sa Langit

238/364

Nakatayo Sa Ibabaw Ng Burol, Agosto 27

Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol ay hindi maitatago. Mateo 5:14. PnL

Sa panahon ng kadilimang espirituwal ang iglesya ay naging siyudad na natayo sa ibabaw ng bundok. Sa bawat panahon, sa pagpapalit ng mga salinlahi, ang mga dalisay na doktrina ng langit ay nabubuksan sa loob ng kanyang mga hangganan. Mahina man at may kapintasan sa tingin, ang iglesya ay paksa ng tanging malasakit ng Diyos. Ito ang tiyatro ng Kanyang biyaya, na dito’y nalulugod Siyang ihayag ang Kanyang kapangyarihang nagpapabago sa mga puso. PnL

“Saan natin itutulad ang kaharian ng Diyos?” tanong ni Cristo, “o saan natin ito ihahambing?” (Marcos 4:30.) Hindi Niya magamit ang mga kaharian dito sa lupa upang maging hambingan. Sa lipunan ay wala rin Siyang makitang marapat na tularan. Ang mga kaharian sa lupa ay naghahari sa pamamagitan ng kapangyarihang pisikal; datapwat sa kaharian ni Cristo ang bawat armas na masama, bawat instrumento ng pamimilit, ay nawala. Ang kahariang ito’y magtataas at magpaparangal sa sangkatauhan. Ang iglesya ng Diyos ay korte ng banal na pamumuhay, puspos ng iba’t ibang kaloob at pinagkalooban ng Banal na Espiritu. Ang mga kaanib nito’y makasusumpong ng kanilang kaligayahan sa kaligayahan ng mga taong kanilang pinagpapala at tinutulungan. PnL

Kahanga-hanga ang gawaing nais ng Panginoon na gampanan sa pamamagitan ng Kanyang iglesya, upang maluwalhati ang Kanyang pangalan. Ang larawan ng gawaing ito’y ibinigay sa pangitain ni Ezekiel sa ilog na nagpapagaling: “Ang tubig na ito ay lumalabas sa dakong silanganang lupain, at bababa sa Araba, at huhugos sa dagat: sa dagat ay huhugos ang tubig na pinalabas, at ang tubig ay mapagagaling. At mangyayari, na bawat likhang may buhay, na dumadami, saan mang dako umaagos ang tubig, ay mabubuhay: . . . at sa pampang ng ilog sa tabi niyaon, sa dakong ito at sa dakong iyon, tutubo ang sari-saring punungkahoy na pinaka pagkain, na ang dahon ay hindi matutuyo, ni magkukulang man ang bunga niyon: magbubunga ng bago buwanbuwan.” (Ezekiel 47:8-12.) . . . PnL

Sa katapatan ni Jose naingatan ang buhay ng buong bayan. Iniligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Daniel ang buhay ng lahat ng mga pantas na lalaki ng Babilonia. At ang mga pagliligtas na ito’y mahalagang liksyon; naglalarawan ang mga ito ng mga espirituwal na pagpapalang inihahandog sa sanlibutan sa pakikiugnay sa Diyos na sinamba ni Jose at Daniel. Sa bawat pusong doon ay naninirahan si Cristo, bawat isang maghahayag ng Kanyang pag-ibig dito sa lupa, ay isang manggagawang kasama ng Diyos sa pagkakaloob ng pagpapala sa tao. Sa pagtanggap niya ng biyaya mula sa Tagapagligtas upang maibahagi sa iba, dadaloy sa kanyang buong pagkatao ang agos ng kabuhayang espirituwal.— The Acts Of The Apostles, pp. 12, 13. PnL